KATANGHALIAN ng unang sabado ng kalendaryo para sa nakakapasong buwan ng Marso. Naglitawan ang maiitim na usok ng mga sasakyan bunsod ng ‘di maputol na trapiko. Kabilang ang Mercedes Benz lulan si Teban Salvaje sa pila ng mga sasakyan na naglalakbay sa kailaliman ng tirik na araw sa malawak na kalsada ng EDSA.
Matapos ang mahabang biyahe’y itinigil niya ang sasakyan sa tapat ng isang lumang bahay sa bungad na baranggay ng Pasay. Bumaba siyang bihis sa semi-pormal na kasuotan ─ puting polo na napintahan ng asul na stripes katerno ang maong na pantalon na kagat na kagat sa mapusyaw niyang balat.
Lumingon-lingon siya. Saglit niyang pinagmasdan ang paligid. Ang lugar para sa kanya ay wala pa ding pinagbago sa pitong taong lumipas nang iwan at limutin niya ito. Tulad ng dati’y nangingibabaw pa din ang alingasaw ng maraming basurang nakatambak kung saang kanto ang madaanan; Ang mga batang bagaman walang pasok sa eskwela’y sa kalye, panay ang takbuhan at ang patay na ilog na kumapit-bahay sa dikit-dikit na samabahayan.
Hindi niya maisip na noon ay kabilang siya sa mga batang iyon na inosente at walang alam tungkol sa pangarap. Minsan niyang kinasuklaman ang kahirapan, ang ingay na walang pinagkaiba sa palengke at ang mga taong walang pangarap para sa sarili. Dahil sa pagkamuhi doon ay itinuring niya itong bangungot mula sa mapait niyang nakaraan.
Lumapit siya sa lumang bahay. Ang maliit na bahay na ito na yari sa bato na natatapalan ng yero ang bubong at sira ang mga dingding ay nakatanim sa kanyang ala-ala. Minsan niya itong sinilungan at itinuring na tahanan. Ngayon ay nagbalik na siya dala ang pangarap na dati’y tinatanaw niya lang sa malayuan.
Marahan siyang kumatok. “Tao po!” Naka-isa pang ulit siyang kumatok hanggang makadinig siya ng ilang hakbang palapit mula sa loob.
Sa bintana, hinawi ng isang kamay ang kurtinang nakatabing, doon isang mukha ng babae ang sumilip. “Sino sila?”
Sabik siyang nagtanong. “Andiyan po ba si Lorenza Salvaje?”
Umalis ito mula sa bintana kapagkuwan ay binuksan ang pinto. “Anong kailangan mo?”
Pamilyar ang babaeng ito na kaharap niya. Sa hitsura’y humigit-kumulang beinte ang edad. Posturang-postura ito sa suot na spaghetti shirt at pangbabang mini-skirt. Ang manipis na labi nito’y nabahiran ng makapal na lipstick na umayon sa mukha at morenang balat.
“Anak niya ko."
Natitigan siya ng babae. “Pasok ka!” maya-maya pa’y yakag nito.
Pumasok siya sa loob. Doon matamang pinagmasdan ang bawat sulok ng bahay na masulyapan. Sa unang tingin, para itong isang naabandonang bahay sa kapal ng alikabok na pumaligid sa pinturadong haligi nito. Ang sahig ay lubak at may mumunting liwanag ang sumusuot sa maliliit na butas ng bubungan.
Pagsara niya ng pinto’y hinagod siya ng tingin ng babae mula ulo hanggang paa. Nahinto lang ito nang mapansin ang mamahaling relong nakasuot sa kanan niyang kamay.
“Taga-rito ka ba?” tanong niya sa babe.
Pansamantalang inalis nito ang pagkakatitig sa kulay pilak niyang relo at bumaling sa kanya. “Oo,” tugon nito. “Kamusta ka na, kuya Teban?” bigla nitong natanong.
Sa tanong na iyon, nasigurado niyang si Sarah na nakababata niyang kapatid ang kaharap. Nginitian niya ito tapos ay sumagot. “Mabuti. I-ikaw?”
“Ako?” Tumalikod ito. “H’wag mo nang tanungin.”
Naupo siya sa pahabang silya na ilang hakbang lang ang layo mula sa pintuan. “B-bakit?”
Lumayo ito at humarap sa parisukat na salaming nakasabit sa dingding. “Eto o!” tinukoy nito ang sarili. “Dahil sa hirap, natuto akong labanan ang gutom nang sa gano’n matalo ko si Kamatayan. Nagtatrabaho ako,” Bumuntong hininga ito. “tuwing gabi nga lang,” Inabot nito ang bulaklaking pouch na nakasabit sa nakausling pako sa dingding. “Hindi din kasing-rangal ng akala mo,” dagdag pa nito.
Nabatid niya ang ibig nitong sabihin. Napalunok siya. May kung anong bagay ang pumaloob sa puso niya, iyon marahil ang kunsensiya. “Sorry,” tanging salitang nanulas sa bibig niya.
Kinuha nito ang isang brutsa mula sa pouch at idinampi-dampi sa mukha. “H’wag kang mag-alala, hindi naman ikaw ang sinisisi ko sa lahat ng ‘to.” Pagkatapos ay pinagmasdan nito ang sariling mukha sa salamin. “Pinanganak akong mahirap kaya mamamatay akong mahirap. Iyon ang kapalarang binigay ng Diyos sa’kin, ano namang magagawa ko?”
Hindi niya ito nagawang tignan. Hindi niya maikubli ang kalungkutang lumupig sa kasabikan niya kanina.
“Saka, ano nga palang marangal na trabaho ang puwede kong pasukan, eh hindi naman ako edukada gaya mo. Ang tanda ko kasi, ikaw ang pinag-aral ng mga magulang ko kesyo panganay ka at mas matalino.”
Hindi na siya nagsalita. Nanatili lang ang kanyang mga mata sa salamin kung sa’n nakikita niyang sinusulyapan siya nito mula doon. Napakalayo na ng kapatid sa dating paslit lang na pinagsasabihan niya tuwing nagkakamali. Matalas ito magsalita bagaman batid niyang kinokontrol lang nito ang lumalabas sa kanyang bibig. Marami pa itong gustong sabihin na hindi lang nito madiretso sa kanya.
“Magkuwento ka naman tungkol sa buhay mo sa amerika.”
“Ayos lang. Masaya. Nagtatrabaho ako ngayon bilang manager ng business ng daddy ko.”
“Ganoon ba? Ang suwerte mo.” Tumalikod ito sa salamin at hinarap siya. “Bakit ka nga pala pumunta dito?” tanong nito sa tonong may halong pang-iintriga. “Ang layo pa ng biniyahe mo.”
“K-kasi ─” putol niya.
“Kung sa bagay, wala namang halaga ang gastos ng pamasahe sa isang mayamang kagaya mo,” Muli itong bumalik sa pag-aayos sa sarili. “di’ba?”
Bumuntong hininga siya. “Nandito ko para alamin…ang kalagayan niyo at makatulong sa pamilyang itinuring ko nang mahabang panahon.”
Dumukot ito ng suklay mula sa pouch at sinuklay-suklay ang makapal na buhok. “Bakit, mukha ba kaming nakakaawa dito?” Pagkatapos ay inipitan ang nakalugay na buhok. “o nakukunsensiya ka lang?”
Hindi na siya kumportable sa kinauupuan. Hindi dahil sa matigas ito at yari lamang sa kahoy kundi sa salitang ibinibitiw sa kanya ni Sarah. “Kung may maitutulong ako, sabihin mo lang.”
“Para sa’n? Eh hindi mo naman kami tunay na kadugo.”
Tumikom siya.
Umalis na ito sa harap ng salamin at pumunta sa kusina. Pagbalik ay may dala itong isang basong tubig para sa kanya.
Inabot nito ang baso ng tubig sa kanya at muling nagsalita. “Siguro nga, hindi kasing-sarap ng pagkaing nginunguya mo ang mga kinakain namin dito, pero hindi ko kailangan ng tulong mo dahil may sarili akong paraan para mabuhay. Bumalik ka na lang sa pamilya mo sa amerika. Hindi bagay ang isang mestiso at mayaman na gaya mo sa mabahong lugar na ‘to.”
“Sarah!” anas niya.
“Totoo naman eh, di’ba dati, suklam na suklam ka sa mga magulang ko kasi mahirap lang kami. Kaya mo kami iniwan para ipagpalit sa mayaman mong pamilya. Pasensiya ka na pero iyon ang nakita ko.”
Gusto niyang magalit pero agad siyang pinigil ng kunsensiya niya. Nasaktan niya sa mga sinabi nito ngunit kahit anong baliktad ang gawin niya sa mundo, iyon lumalabas na totoo. Nanirahan siya kasama ang tunay niyang pamilya nang masaya at maginhawa na hindi iniisip ang pamilyang kumupkop at nagbigay-buhay sa kanya mula sanggol hanggang magkaisip siya.
“Pero h’wag ka nang mag-alala, kasi hindi naman na ko galit sa’yo. Wala akong karapatang magalit dahil hindi naman kita kaano-ano.”
Muling kumirot ang dibdib niya. Hindi niya na ito magawang tignan. “Ikakasal na ‘ko,” saad niya. “Gusto ko bago ko ikasal, maialis ko kayo dito. Isasama ko kayo.”
Nang maubos niya ang tubig na laman ng baso’y lumapit ito at kinuha iyon sa kanya, ibinalik sa kusina.
“Magpakasal ka kung gusto mo. Kuntento na kami sa buhay namin dito. Salamat na lang!”
“Paano ko kayo matutulungan?”
Biglang umagaw sa pansin niya ang isang litrato ng tatlong batang, nakadikit sa dingding.. May ilang nanumbalik sa kanyang ala-ala. Naroon silang magkapatid kasama ang isa pa na mas bata. “Si Samuel, ‘asan siya?”
“Hindi ko alam,” tugon nito. “Hindi na iyon nauwi dito, bigla na lang akong makakatanggap ng balita na nahuli iyon ng mga parak dahil sa pagnanakaw. Ayos nga eh, kasi ilang-araw lang, nakakatakas siya tapos balik ulit sa pangdidekwat. Palaging gano’n.”
Nagkunot-noo siya. “Puwede ko kayong bigyan ng maayos na trabaho,” alok niya. “ ‘Yung matino at maihaharap sa tao.”
Nagpukol ito ng masamang tingin. “Bakit ba ang kulit mo? Hindi nga namin kailangan ng tulong mo,” reklamo nito. “Umalis ka na kung wala kang ibang sasabihin.”
Hindi na niya na din nakayanan ang mga narinig kaya nagdesisyon siyang umalis na lang. Nakaramdam siya ng galit sa sarili. Tumayo siya at pinigil ang luhang naka-ambang pumatak mula sa kanyang mga mata. “Babalik na lang ako bukas,” paalam niya.
Napansin niyang kusang bumukas ang pinto para sa kanya. Kasabay niyon ang pagpasok ng limang taong gulang na batang lalaki na ikinukubli ang payat na pangangatawan sa isang lumaing damit. Tulak-tulak nito ang isang kalawanging wheelchair sakay ang isang nakangiweng matandang babae. Nakatulala lang ito at hindi nagsasalita.
Muling sumungaw ang luha at hindi na niya naiwasan ang paglabas nito. “Nay?”
Nagsalita si Sarah. “Anak ko ‘yan.” tukoy nito sa bata “Bunga ng trabaho ko,”. Bumaling ito ng tingin sa bata. “Nakarami ba kayo?” tanong nito.
Lumapit ito kay Sarah at inabot ang isang latang puno ng barya. Muli itong bumaling sa kanya, “Araw-araw dinadala ni Jun-jun si nanay sa labas para manglimos.”
Nagbagsakan ang mga luhang kahit anong pigil niya’y hindi niya magawa. Lumapit siya sa matanda at ibinagsak ang magkabilang tuhod. “Nay, ako po ito si Teban.”
Tumitig lang ito sa kanya na walang kahit anong bakas na reaksiyon sa mukha.
“Kahit anong sabihin mo diyan, hindi ka sasagutin niyan at kung sagutin ka man, hindi mo rin maiintidihan,” hayag ni Sarah.
“Anong nangyari sa kanya?” tanong niya na natimplahan ng pag-aalala.
“Inatake sa puso si nanay nung umalis ka. Hindi niya nakayanan ang sobrang kalungkutan kaya naging ganyan na siya mula no’n.”
Nagdadagan pa ang mga luhang nag-agusan sa kanyang mukha. Hindi niya inakalang ganito ang sasapitin ng ina matapos niya itong iwan.
Maya-maya pa’y hinawakan ng matanda ang pisngi niya. Nagsalita ito, bagaman hindi malinaw, sigurado siyang sinambit nito ang pangalan niya.
“Dadalhin ko siya bukas sa ospital,” aniya kasabay ng pagpunas ng panyo sa mga luha sa mata.
“Bahala ka. Pera mo ‘yan. Sana lang hindi mo panghinayangan.”
“Dadalawin ko na rin si itay sa kulungan.” Nasa kulungan noon ang kanyang ama nang umalis siya. Sampung taong pagkakakulong ang parusang ipinataw dito kaya tiyak niyang hanggang ngayon ay naroon pa rin ito.
“H’wag na!” tutol nito. “Hindi mo rin siya makikita doon.”
“Bakit?” pagtataka niya.
“Wala na siya. Kagaya mo iniwan niya na din kami.”
“Saan siya pumunta?”
Bago ito nagsalita’y nakita niyang may namuong luha na din ang mga mata nito. “Nung mismong araw na mabalitaan niya ang pag-alis mo, nagpakamatay siya sa presinto. Nagpakamatay siya dahil diyan sa letseng pagmamahal sa’yo. Minsan nga naisip ko, ‘ano kaya kung hindi ka dumating sa buhay namin, siguro hanggang ngayon magkakasama pa kami!”
Ibig niyang sumigaw buhat ng kanyang narinig. Hindi niya akalaing ganito ang kapalit ng lahat ng kaginhawahang naranasan niya sa amerika kasama ng totoong pamilya. Sinisisi niya ang kanyang sarili.
Paglabas niya ng bahay ay paulit-ulit niyang tinanong sa sarili. “Ano bang nagawa ko?”
Nanghihina siyang nagmaneho. Walang eksaktong direksyong masipat ang kanyang mata, ang kamay at paa naman niya’y pawang nanginginig kasabay ng hindi mapigil na paghagulgol.
Bumalik siya sa pansamantalang tintuluyang Hotel. Sa silid niya, ibinagsak ang katawan hawak-hawak ang isang bote ng serbesa. Sumandal siya sa pader at naupo sa sahig.
Wala siyang ibang gustong gawin kundi lunurin ang sarili sa alak. Doon, nakadinig siya ng magkakaibang uri ng tinig na magkakaiba ang nais sabihin: saklolo mula sa mga mahihirap na tao sa tinig ng isang na ngaakit na demonyo. Hindi niya alam kung sino ang una niyang pakikinggan.
“Tulong!”
“Ialis mo kami dito!”
“Ikaw ang may kasalanan!”
“Lumayas ka!”
“Malas ka sa’min!”
Napasigaw siya sa sakit ng ulo. Gusto niyang iuntog ang ulo sa pader at saktan ang sarili. “Patawarin niyo na ko!”
Saglit siyang natauhan. Kinapa niya ang telepono sa kanyang bulsa at nag-dial ng numero ng kaibigang abogado sa amerika. Sa salitang ingles, ipinalipat niya ang lahat ng kanyang mana sa babaeng nagngangalang Sarah Salvaje at ipinasabi sa mapapangasawa na hindi na matutuloy ang kasal.
Matapos niyang makausap ang kaibigan ay natuon ang kanyang pasin sa isang kulay itim na bagay sa sahig. Kahugis nito ang letrang ‘L’ at nang mahawakan niya’y mabigat kaysa sa unang tingin.
KINABUKASAN, sa lahat ng publikasyon ng mga pahayagan, nakalathala ang isang karumal-dumal na larawan. Larawan ng lalaki na nakahandusay sa sahig. “Isang dayuhang lalaki, nagpakamatay sa loob ng hotel!” ang sabi pa sa headline.