CHAPTER ONE
Kinuha ni Aliza ang susi na nasa kanyang bulsa. Sa wakas ay narating din niya ang 14th floor ng Building no. 325. Hindi siya makapaniwala na hindi gumagana ang elevator dito. Ano ba naman itong nakuha kong apartment? Bakit ba kasi hindi ko man lang chineck bago ako nagbayad? bulong niya sa sarili. Paano naman kasi nagmula pa siya sa malayong probinsya ng Marble sa bandang Norte, isa siyang manager ng isang restawran na pagmamayari ng pamilya ng kanyang matalik na kaibigan na si Shaina. Nakapagtapos siya ng kolehiyo sa kursong Culinary, pero siguro talagang mahirap ang buhay ngayon. Mahirap nang humanap ng trabaho, kahit college graduate ka pa. Yung iba nga diyang kumpanya kailangang college graduate din kahit janitor ang posisyon. Pero at least naging Manager siya sa doon nang ilang taon. Nakapagtrabaho siya doon sa loob ng halos sampung taon, kahit kasi noong college pa siya ay nagtratrabaho na siya doon bilang part timer. Ito ang naging linya niya dahil na rin sa kagustuhan ng kanyang mga magulang.
"May pera sa pagkain, anak." ang madalas na sabihin ng kanyang Ina na nangangalang Josie. Ang kanyang Ama ay matagal nang pumanaw na isa ring chef sa isang hotel sa kanilang bayan.
Pagkabukas ni Aliza ng pintuan ay bumungad sa kanya ang isang bachelor size na apartment, at tulad ng nailarawan sa kanya ni Marie ang kanyang land lady, meron nga itong sala na may puting sofa, puting computer table, puting bookshelves, at maliit na mesa na may maliit ding telebisyon. Kulay rosas ang kurtina sa dalawang bintana na tinatagusan ng sikat ng araw. Tama lang ang laki ng banyo na may bath tub, at nang pumasok siya sa mismong kwarto niya, una niyang napansin ang asul na kurtina, ang queen size na kama at isang closet na lagayan ng damit. Nagsimula na siyang maglinis at maglagay ng kanyang naidalang gamit. It's a nice apartment afterall. Cozy but beautiful. Tama ito sa pagsusulat ko.
Tama, iniwan niya ang kanyang buhay Manager sa probinsiya, para pumunta dito sa siyudad, isang bagay na gustong gusto niya talagang gawin sa buhay niya ang ang maging manunulat. Bata pa lang siya ay nakahiligan na niya ang pagbabasa ng mga libro, hinding hindi mo siya makikita na walang dala, kahit pagpunta niya sa banyo ay kailangang meron siyang basahin. Laking gulat ng kanyang Mama nang malaman nito na aalis siya. "Desisyon ko na ito Ma, tutal nakatapos na rin naman ang mga kapatid ko, oras na din para kunin ko ang para sa akin habang kaya ko pa."
Hindi rin naman nagtagal ay nakumbinsi din niya ang kanyang pamilya at kaibigan na kailangan niya ito para sa kanyang sarili. "At kung hindi man ako magtagumpay, uuwi ako dito at babalik ako sa dati kong buhay."
Naputol ang pagmumuni muni ni Aliza nang makarinig siya ng sunod sunod na katok. Lumakas ang kabog ng puso niya, "Sino naman kaya ito?" Tumayo siya at tumungo sa may pintuan.
"Hello po Ma'am, kayo po ba si Aliza Cortez?" Isang nasa early twenties na lalake na naka yellow ang white stripes na uniform. Kalbo ito na may magandang mata ngunit mukhang balisa.
"Ako nga."
"Naririto na po yung pinadeliver niyo, paki sign na lang po ito." Sa wakas ay dumating na din ang ilan pang gamit niya.
"Kanina ko pa kayo hinihintay. Makakatulog na nga ako eh."
"Pasensya na po, medyo na traffic po kasi. Ipapasok ko na po yung mga kahon." Limang kahon ng gamit din ang pinasok ng lalake mula sa kanyang cart.
"Okay na ba ang elevator?"
"Ahh opo Ma'am." tugon nito. "Sige po aalis na ako." pagpapaalam ng lalake. "Nga po pala Ma'am, hindi naman po sa nananakot ako o kahit ano, alam niyo na po ba ang history ng building na ito?"
"Ha?"
"Uhm, sorry po. Wag niyo na lang ako pansinin-"
"No, ano yun, anong problema?"
"Basta po magingat na lang po kayo. Ganito na lang Ma'am, wag kayong papagabi masyado, hindi po kasi maganda ang naririnig ko dito sa lugar niyo." sabi nito at nagmamadali na itong sumakay ng elevator. Hindi na ito nahabol ni Aliza at sa halip ay nagayos na lamang ng mga gamit.
Eto, at gagawa siya ng kanyang bagong tirahan, binura na lamang niya sa kanyang isipan ang mga narinig. Maghahapon na ng natapos siya sa pagliligpit, kagustuhan man niyang magpahinga na ay kumalam na ang kanyang sikmura. Napagdesisyunan niyang bumaba at maghanap ng makakain.
Sa kanyang paglalakad, pinagaaralan niya ang bawat lugar o bawat building o shop na nadadaanan niya. Ang Spring City ay isang abalang siyudad, at dahil magaala sais na, rush hour, puno ng tao ang daanan na tila ba nagmamadali sa paguwi. Nakakasalubong niya ang mga Nanay na galing sa palengke, mga estudyanteng galing sa paaralan. Nagsisimula na ring magbukas ng mga street lights dahil papadilim na. Sa hindi kalayuan ay nakakita siya ng isang restawran kung saan ay napili niyang kumain. Nang makita niya ang menu saka niya lang naisip kung gaano na siya kagutom ng mga oras na iyon, ano ba ang huli niyang kinain? Ang tubig ata na binili niya sa isang convenience store sa labas ng building 325. Matapos niyang umorder ay inilabas niya ang cellphone. Puno ito ng messages kung kamusta na siya, text mula sa kanyang Ina, sa kanyang mga kapatid at sa ilang malalapit na kaibigan. Matapos ang ilang sandali, napagdesisyunan niyang wag ng mag reply. Lalo niya lang mami miss ang mga ito. Nang umalis siya sa bayan ng Marble, sinabi niya sa sarili niya na eto na ang tamang pagkakataon, sa loob ng mga nakalipas na taon, isa siyang duwag sa mga bagay na ganito, alam niyang para ito sa kanyang sarili. Kailan niya ba nagawa ang isang bagay para sa sarili? Hindi na niya maalala.
Matapos niyang kumain ay nakapag isip isip siya ng mga bagay bagay na gagawin niya habang naririto sa siyudad. Ibibili niya ang natitirang pera ng isang bagong laptop, hiningi na kasi ni Mary Rose, ang kanyang nakababatang kapatid ang kanyang laptop, hindi niya rin naman madala ang personal computer. "Kailangan kong humanap ng trabaho, kahit part time lang para matustusan ang pagkain ko araw araw." Meron pa naman siyang natitirang pera sa bangko, pero ayaw niya itong galawin baka sakaling magkaroon ng matinding pangangailangan pagdating ng panahon.
Nang magbabayad na siya ng kanyang bill, napansin niya ang isang papel na nakapaskil sa bintana. WANTED COOK, INQUIRE INSIDE FOR DETAILS. Napalunok si Aliza, kanina lang ay iniisip niya pa lang, ngayon eto na sa harap niya ang hahanapin niya pa lang. "Uhm Miss," simula niya sa isang cashier na maikli ang buhok, malaki ang mata at tila may bigote. Naka uniform ito ng pink and white stripes at isang cap na may nakasulat na "FOREVER RESTO". "Available pa ba ang posisyon na ito?" Bigla namang nagliwanag ang mukha nito.
"Ah, oo. Available pa yan. Wala kasi talagang naga- apply eh, dumadami na ang customer ng resto pero dalawang cook lang ang nasa loob, kulang talaga ng isa pa."
"Kanino ako maga- apply?"
"Teka, eto fill up- an mo yan, tapos ifa fax ko yan sa may ari, then tatawagan ka na lang."
Alas otso na ng gabi nang makabalik sa building si Aliza. Hindi naman nagtagal at dumating ito, sumakay siya at pinindot ang 14th floor. Saka niya lang napansin na wala pa lang 13th floor sa building na iyon. Bakit nga ba naman magkakaroon no'n, eh di ba nga malas yun? aniya sa sarili. Ngayon niya lang din napansin na itong 14th floor ang pinakataas ng building na iyon.
Nang nakarating na siya sa kanilang palapag, saka niya lang napagmasdan na may isa pang pinto na kaharap ng pinto niya. Mukha namang walang tao doon dahil nakapatay ang ilaw. Kinuha niya ang susi sa bag at binuksan ang kanyang pintuan. Dali dali siyang pumunta sa banyo para maligo. Sa wakas at nakaramdam din siya ng pagod.
Nakatulog siya agad pero ilang oras lang ang lumipas, naalimpungatan siya dahil sa narinig. Tila ba bumukas ang elevator, naisip niya, dumating na ata ang nakatira sa kabilang kwarto. Bigla siyang na curious kung kaya naman ay dahan dahan siyang tumayo, tumungo sa may sala at sumilip sa may peekhole sa may pintuan niya. Isang babae at dalawang lalake na papasok sa kwarto. Ang babae ay naka shorts at backless na blouse, sa paa ay naka rubber shoes, nakasalamin ito, makapal ang labi at nakatirintas ang mahabang buhok, may dala itong flash light at pabulong na nakikipagusap sa isang lalake na malaki ang katawan, naka t shirt lang ito at pantalon, sa ulo naman nito ay may nakasuot na army cap, may hawak hawak na papel na tila ba pinagtatalunan nila ng babae. Ang isa naman ay pinapakalma ang dalawa habang pilit sinususian pabukas ang pintuan na papasukan nila. Naka berdeng t shirt lang ito at pantalon, hindi man kalakihan ang katawan ay kitang kita naman ang mga muscles nito, moreno, at maninipis ang mga labi, ang mga mata ay tila ba may pagka chinito, biglang lumakas ang tibok ng puso ni Aliza, sinuway niya ang sarili dahil tila ba nagka crush siya dito. Nasa ganoon siyang kalagayan nang biglang tumunog ang cellphone, agad niya itong kinuha at sinagot. Ang mga tao naman sa labas ay nagulantang na hindi lang pala sila ang nasa floor na yun. Dali dali silang pumasok sa loob ng kwarto at agad sinara ang pintuan.
"Hello? Sino 'to?"
"Si Maya ito, yung may ari ng restawran na kaninang pinuntahan mo, nabasa ko ang application mo at mukha namang mahaba haba ang experience mo na sa pagiging cook."
"Hi po Ma'am Maya-"
"Please, just call me Maya." putol nito. "I'm just thirty and I guess you're just in your mid twenties."
"Ah okay po, uhm, tama ka, halos ten years na din akong cook sa lugar namin."
"So I guess no need for any interviews, right? Training na lang siguro ano?" anito. "Maybe you can start tomorrow. Okay ba yun sayo?"
"Talaga po? Okay na okay po!" masayang tugon ni Aliza. Kung lalapitan ka nga naman ng swerte, unang araw pa lang niya dito sa Spring City ay punong puno na ng pangyayari, tingnan mo at nakahanap na siya ng trabaho.
"Okay that's good, we really need you so please don't disappoint us. Matagal tagal na din kaming naghahanap ng cook pero walang nagtatagal."
"Anong oras po ba ang trabaho ko?"
"It's going to start from 2 - 10 pm, pero honestly makakauwi ka around 11 na dahil kailangan pang maglinis and all. Ano game ka ba?"
"Game po Ma'am!" Mukha namang wala na siyang choice,
"I said call me Maya, anyway see you tomorrow."
CHAPTER TWO
Kinabukasan, alas nwebe pa lang ay gising na si Aliza, bumili siya ng makakain sa 7 eleven at nag grocery na din siya ng ilang kakailanganin niya sa bahay. Dumating din ng umagang iyon ang iba pa niyang gamit na pina package niya bago pa siya umalis sa lugar nila. Pag bukas niya ng kahon, ay sandamukal na libro ang kanyang nakita. Hindi niya din kasi maiwan ang mga iyon dahil pakiramdam niya ito lang ang tangi niyang "escape" sa mundong ginagalawan niya dati.
Kinatanghalian, wala pang alas dos ay dumating na siya sa restawran. Nagsimula siyang mag training, hindi naman ito ganoon kahirap dahil sanay na nga naman siya sa mga gawaing ito, mas busy nga lang dahil mas maraming tao ang kumakain. Nakilala niya ang kanyang boss na si Maya, isang babaeng peke ang pagka blonde ng mahabang buhok, sexy at revealing ang suot nitong mini dress at may apron din na nakapatong sa kanya kahit hindi naman siya tumutulong sa kusina. Binabati lang nito ang mga paparating na customers. Nakilala niya din ang ilang cook doon na sina Andrew at Jake, puro lalake at malalaki ang katawan, ang mga ito ang nagturo kay Aliza sa mga menu na niluluto nila. Mabilis naman siyang natuto na ikinatuwa ng dalawa. "Mabilis ka palang matuto Aliza, buti na lang at hindi na kami mahihirapan pa." sabi pa ni Jake na mukhang may gusto sa kanya dahil kanina pa malagkit itong tumingin.
Gaya nga ng sinabi ni Maya ay halos hatinggabi na siya makakauwi. Pagod na pagod na siyang naglalakad pauwi sa Building 325. Napansin niyang wala si Manong guard na taga bantay, madalas niya din kasi itong nakikita na nakatambay lang sa may lobby. Pagka sakay niya ng elevator ay agad niyang pinindot ang 14th floor. Hindi niya alam kung siya lang ba itong napapapikit o talagang nagpapatay bukas ang ilaw nito. Kinusot niya ang mata, at nalaman niyang hindi nga siya nagkakamali, talagang tila disco light ang ilaw ng elevator dahil sa patay sindi nito. Anong floor na ba ako? Ten, eleven, twelve...
Sa wakas ay nakalanghap din ng hangin si Aliza, tama bang takutin siya ng elevator? "Hay naku Aliza, pagod ka na nga talaga. Masyado kasi akong nagiisa eh, wala ding makausap. Ayoko namang kausapin sina Mama dahil panigurado pababalikin lang ako nun sa Marble." Napaupo siya sa sofa ng kanyang bahay, sumandal muna siya sa malambot na matres nito. Maya maya ay tumunog na naman ang elevator na tila ba may dumating. "Ayan na ata ang nakatira sa kabilang kwarto. Bakit ba hindi ko sila kilalanin, para naman mas dumami ang kakilala ko dito.." Agad siyang tumayo at binuksan ang pinto. Tulad niya ay nagulat din ang tatlong kahapong nakita niya sa peekhole.
"Sino ka? Anong ginagawa mo dito?"
"Ugh, Hi!" ani Aliza nang makabawi ito sa nerbyos. "Ako nga pala si Aliza, ako yung bagong nakatira dito." pagpapakilala niya. Tiningnan siya ng masama ng babae at ng isang lalake na malaki ang katawan na kamukha ni Hulk.
"Hindi ka dapat naririto-"
"Easy easy lang guys." suway ng isang lalakeng "crush" niya. "Don't be too harsh on her. Nakikipag kaibigan lang yung tao."
"Charles, masyadong delikado ang lugar na ito para sa kanya." sabi ng babae.
"Demi alam mong itong building na ito ang pinaka ligtas sa lahat ng lugar, bantay na bantay natin ito."
"Teka teka lang hindi ko kayo maintindihan." sabi ni Aliza.
"Aliza, ako si Charles at eto naman ang mga kaibigan kong sina Demi at Bry." pagpapakilala ni Charles. Natahimik si Charles nang hindi na niya alam ang susunod na sasabihin. Nakatinginan niya si Demi na hindi rin alam ang sasabihin.
"Mabuti pa, pumasok tayo sa loob, tutal ka floor natin siya, she also have the right to know the truth." malumanay na sabi ni Bry na hindi naman pala ganoon ka terror tulad ng kanyang inaasahan.
"Tama ka, halika pumasok ka sa loob." yaya pa ni Demi at Charles.
Pagkapasok ni Aliza ay napansin niya kaagad ang isang malaking white board sa may dulo ng kwarto, naka drawing ang isang mapa, hindi niya ito nabasa dahil pinaupo na siya sa isang sofa. Napansin niya din na may isang bunk bed sa isang kwarto na wari niya ay kung saan natutulog ang mga lalake, sa kabilang kwarto naman, bukas din ang pinto, kita niya ang single bed na malamang kung saan natutulog si Demi. Napansin din niyang meron silang malalaking cabinet sa loob ng sala, at tatlong malalaking shot gun sa gilid nito. Sa isang kahon ay may nakasulat na "grenade" na siyang ikinaba ng puso ni Aliza. "Teka, ano ba itong napasok ko? Mga kidnappers ba kayo?" tanong niya. Isang malakas na halakhakan ang isinagot ng tatlo. Si Bry nga eh kinalampag pa ang sahig dahil sa kakatawa.
"Hindi, hindi. Mukha lang talaga kaming mga goons." rason ni Charles nang makabawi sa pagkakatawa.
"Seryoso ako, bakit kayo may mga baril dito? Hindi ba bawal yan?"
"Aliza, easy ka lang, hindi sa ikasasama ng bayang ito kaya kami meron niyan." ani Demi. "Nakanood ka na ba ng ghost busters?"
"Yeah, wag niyong sabihing-"
"Maniwala ka man o sa hindi, yan ang trabaho namin, hindi nga lang ghost." paliwanag ni Bry.
"Kung hindi, zombies." dugtong na lamang ni Charles.
"Ha? Ginu good time niyo ba ako?" naiiritang tanong ni Aliza na tumayo na at patungo na sa pinto para umalis. "Kung sa tingin niyo ay uto uto ako, nagkakamali kayo."
"Nasa sayo yan kung maniniwala ka man o hindi. Sa totoo lang, noong una ay hindi din kami makapaniwala." paliwanag ni Charles. "Paanong ang Spring City na puno ng tao, na business district ng bansa ay magkakaroon ng zombies? Kabaliwan kung iisipin mo, pero totoo ang mga sinasabi namin."
"Meron ba kayong proweba?" Hinila siya ni Charles papasok muli sa may sala at pinaupo sa may sofa. Kinuha nito ang white board na kanina'y umagaw ng atensyon niya. Itinuro nito ang mapa kung saan naroroon ang Office of the Mayor.
"Heto, dyan magsisimula ang lahat. Bukas na bukas ng bandang alas nuwebe, lahat ng taong dadalo sa isang pagtitipon magiging zombie, dahil ang ipapainom sa kanila ay masasabotahe ng isang scientist na malaki ang galit sa gobyerno natin."
"Oh c'mon!"
"Alam mo babae, kung ayaw mo maniwala, eh di wag! Magpakain ka sa mga zombies na iyon at nang maging zombies ka din!" pagtataray ni Demi. "Sa tingin mo ba sasayangin namin ang panahon namin sa pagpapaliwanag sayo at pagpro prove na totoo ang mga sinasabi namin?"
"Teka teka, bakit hindi kayo magsumbong sa mga pulis o kahit mismo kay Mayor?"
"Kung ikaw nga hindi naniwala sa amin, sila pa kaya?" pangangatwiran ni Bry.
"At isa pa alam mo naman ang gobyerno natin, they're so skeptical to these things." dagdag naman ni Demi. "They would just say, 'ah okay we would look into it and we will just get back to you'. Kaya naman late na kami kung umuwi, we are trying to at least prevent it from happening. Pero ilang buwan na kaming ganito, sinusubukang kausapin ang Mayor, sumusulat ng kung anu ano, nagwa warn sa mga kababayan natin, but then again, we were just ignored. Sino ba naman ang maniniwala sa amin?"
"I still don't see how you have come up with this? Paano niyo naman nalaman ang balak ng scientist na ito? At sino ba ito?"
"Isa siya sa mga malalapit naming kaibigan. Sadly, kahit kaibigan namin siya, hindi namin siya nabigyan ng pansin. What can I say, we were too busy with our lives. And then he have written this letter to all of us na gagawin niya kung ano ang dapat na matagal na niyang ginawa. Sinabi niya ang planong iyon sa sulat niya. Hindi siya basta basta scientist, talagang pinagaaralan niya kung paano pababagsakin ang Spring City."
"Sabihin mo na Charles, talaga namang baliw na noong una pa lang si Drey. Ang mahirap sayo hanggang ngayon ay awa ka pa din sa kanya, akala mo he's just sick when the truth is he's EVIL." sabi ni Demi.
"Tama na Demi, high blood ka na naman." suway ni Bry.
"S- so ano na ang balak niyo ngayon?" tanong ni Aliza na tila nanlambot ang tuhod sa mga narinig. "May oras pa ba para umuwi ako sa Marble, babalik na lamang ako doon. Kung alam ko lang-"
"So tatakas ka, ganoon?" si Demi.
"Kahit tumakas ka pa, kahit tumakbo ka pa ng tumakbo, kakalat ang virus ng zombie na ito at hindi magtatagal ay mararating din ang lugar niyo. Ang building na ito lang ang ligtas."
"Bakit, anong meron sa building na ito?"
"Mukha lang luma ang building na ito, pero nagawan na ito ni Bry nang paraan. Sa loob ng ilang buwan, plinano at inayos namin ito. Nakikita mo ba ang remote na ito, it's all in this remote, ito ang buhay namin. Just press the button and all doors will be close, doors that even the strongest equipment couldn't break."
"We also have a storage of food, gas and water." dagdag ni Bry na ngayon ay nagbabasa na ng magazine. "Pwede na tayong mabuhay sa loob ng isang taon."
CHAPTER THREE
Naalimpungatan si Aliza kinabukasan. Pagkagising niya ay nasa kanyang kama na siya, napatingin siya sa orasan. Anong oras na ba? Magaalas siyete pa lang pala? Anong oras na ba ako nakatulog kagabi? Isang kidlat ang nakita niya sa may bintana, kasunod nito ang dumadagundong na kulog. Malakas na malakas ang ulan, nang bigla niyang naalala ang sinabi ng kanyang mga kapitbahay. Sina Charles, Demi at Bry. Panaginip lang ba ang lahat? Naramdaman ni Aliza ang sakit ng ulo, hindi na siya makatulog kung kaya naman ay bumangon na siya at tumungo sa kusina at nagtimpla ng kape. Umupo siya sa may puting sofa at pinagmasdan na lamang ang pagpatak ng ulan. Hindi dapat ako nagpapahinga dito, dapat ay umalis na ako. Bakit pa ba ako magpapakabayani? Sabi ni Charles, mamayang gabi pa mangyayari ang pagkalat ng virus, and here I am relaxing myself. Hindi bale, sabi naman nila ang building na ito daw ang pinakaligtas na lugar, sa lahat. Mabuti pa puntahan ko na sila. Tumayo siya at binuksan ang pinto. Pagbukas niya ng pinto ay bumungad sa kanya ang kadiliman. Hindi ata naayos ni Manong guard ang punding ilaw. Tumungo siya sa kabilang kwarto at nagsimulang kumatok pero ilang sandali na ang lumipas at wala pa ding nagbubukas nito. Asan na kaya sila? tanong niya sa sarili.
Bumalik siya sa sariling apartment at muli ay umupo sa sofa. Naligo siya ng ilang minuto at saka napagdesisyunang lumabas. Kailangan kong mag grocery, ayoko namang umasa lang sa storage nila. Tumungo siya sa pinaka malapit na palengke at nagsimulang mamili. Sa hindi inaasahan ay nakabangga niya si Jake na mukhang namamalengke din. "O, ang aga mo atang nagising." bati nito sa kanya na nakangiti.
"Ah, oo nga eh."
"Nag almusal ka na ba?"
"Kape pa lang." aniya.
"Tara, libre kita."
"Ay, wag na."
"Sige na Aliza, I insist." anito.
"Uhm, Jake, may itatanong ako sayo. Alam mo ba ang magaganap na pagtitipon mamayang gabi sa munisipyo?" hindi na napigilang itanong ni Aliza habang sila ay naglalakad sa pinakamalapit na cafeteria.
"Ah oo mamayang alas nuwebe yun eh." sagot naman ni Jake na tila ba walang kainteres interes. "Anong order mo?"
"Kahit ano na lang, ikaw na bahalang umorder."
"Oo nga pala, anong cellphone number mo?" tanong ni Jake.
"Cellphone number? Hindi ba nabigay ko na sayo?"
"Oo pero hindi kita ma contact sa number na yun."
"Ha? Paano namang nangyari iyon?" pagtataka ni Aliza. "Sige, i check ko na lang, baka may sira lang."
"Saan ka nga pala nakatira?"
"Hindi ko pa ba nasasabi sayo?"
"Hindi pa."
"Dyan lang sa likod ng palengke, sa building 325."
"W- what?"
"Sa building 325." paguulit niya. Tumango na lamang si Jake kahit medyo nahihiwagaan siya sa sagot ng dalaga.
"Teka Jake, naniniwala ka ba sa zombies?" natawa ang binata.
"Eh di ba sa movies lang yun? Syempre hindi no."
"So kahit sabihin ko ba sayo na susugod ang mga zombies mamayang gabi, hindi ka maniniwala?"
"Well, siguro kung eight years old pa ako maniniwala ako sayo." natatawang tugon ni Jake. "Joker ka din no? Hindi ka lang maganda, may sense of humor pa."
"Seryoso ako Jake."
"Har har! Ikain mo na lang yan at baka resulta lang yan ng hindi mo pagaalmusal." Saktong dumating ang waiter ang ihinain ang mga pagkain nila. Tama nga sina Charles, walang maniniwala sa kanya. Kumagat siya ng french toast na nakahain matapos niyang lagyan ng butter, nang bigla siyang nakaramdam ng kakaiba, na para bang may nagmamasid sa kanya. Tumingin siya sa paligid, nakamasid nga ang mga tao sa kanya. Masama ang tingin ng mga ito na tila ba may nagawa siyang masama. "Anong problema?" tanong ni Jake nang bigla siyang tumayo.
"Uuwi na ako Jake, pasensya na. Pakisabi na din kay Maya na hindi na ako papasok."
"W-what?"
CHAPTER FOUR
Mabilis na lumakad sa Aliza pauwi sa kanyang apartment, kahit pa muntikan na siyang nasundan ni Jake, sa bandang huli ay hindi rin ito nagtagumpay. Tila ba napakahaba ng oras para lang makabalik siya sa building 325. Pagtapak na pagtapak niya dito ay saka lang siya huminto at humingal na tila ba pagod na pagod siya. "Okay ka lang ba iha?" tanong ni Manong guard.
"Okay lang po ako." aniya nang nakangiti. Tumungo siya sa may elevator at pinindot ang 14th floor. Tulad ng dati ay patay sindi na naman ang ilaw nito. Ilang sandali lang ay nakarating na din siya sa wakas sa kanyang floor, nagulat naman siya nang bumungad sa kanya si Charles.
"Saan ka galing? Hindi ka dapat naglalalabas!" galit nitong sabi. Hinila siya nito sa braso at dinala sa loob ng kwarto nito. Naroroon din sina Demi at Bry.
"Kanina ay wala kayo dito. Kumatok ako ng kumatok pero walang sumasagot."
"Iyon ay dahil-" magsasalita sana si Demi pero pinutol ito ni Charles.
"Kahit na, hindi ka pa din dapat lumabas."
"Namalengke lang naman ako. Nahihiya kasi ako maki share pa sa food storage niyo."
"Sapat ang storage namin Aliza. Magtiwala ka sa amin."
"Ano na ang balak niyo? Balak niyo na lang ba magtago dito sa building na ito?"
"Hindi naman sa ganoon." sabat ni Bry.
"Ganito na lang, simula ngayon pag lalabas ang isa, lagi dapat siyang may kasama." si Demi.
"Tama, ganoon nga. Magmula ngayon ako ang lagi mong makakasama Aliza. Nagkakaintindihan ba tayo?" Mukha mang agresibo ngayon si Charles ay tumango na lamang siya sa sinasabi nito.
"Wala na ba talaga tayong magagawa para pigilan si Drey?" tanong niya. Umiling si Demi.
"Wala na talaga. Kung nanonood ka ng mga zombie movies, stupid move nang maituturing kung pupunta ka pa sa kung saan magsisimula ang virus."
"Sabagay. Sa mga ganoon kasi, laging may mamamatay." pagayon niya. "Pupunta na lamang ako sa apartment ko." suhestyon ni Aliza.
"Sasama ako sayo." sabi naman ni Charles. Pagdating sa loob ay naisip ni Aliza na buksan ang kanyang bagong biling laptop. Kahit wala siyang internet ay susubukan na lamang niyang gumawa ng istorya. Tutal iyon naman talaga ang rason kung kaya siya narito sa siyudad, sayang nga lang at mukhang hindi na ito mapu publish tulad ng inaasahan niya. Pero ano pa nga ba ang magagawa niya?
Hinayaan na lamang siya ng ilang oras ni Charles, nagsulat ng nagsulat si Aliza maghapon. Nagsusulat siya ng isang istorya patungkol sa pagibig. Alas tres na ng hapon nang magsalita si Charles pagkagising nito mula sa pagkakaidlip sa kanyang sofa. "Ano ba ang ginagawa mo?" Kinuwento nga ni Aliza kung ano ang ginagawa niya.
"Ilang page na ba ang nasusulat mo?"
"Halos twenty five pages na din."
"Sige, ipabasa mo sa akin pagkatapos ha." anito na parang bumait na.
"Baka kulang lang siya sa tulog kaya medyo agresibo siya kanina." bulong ni Aliza sa sarili.
"Sige diyan ka muna, sisilipin ko muna sina Demi."
"Sige." Nagpatuloy sa pagsusulat si Aliza. Eto ang mga oras na gumagana talaga ang utak niya at tulad ng inaasahan ay non stop ito. Hindi na nga siya nag tanghalian at lumipas na nga lang ang maghapon na siya ay nagsusulat. "Ganito pala ang feeling ng nagsusulat. Kakaiba. Tila ba dinadala ako sa ibang mundo ng sinusulat kong ito."
Magaalas sais na ng nagpasyang magpahinga na muna. Nararamdaman na rin kasi niya ang gutom. Tumayo siya at naglakad patungo sa pinto. Pagbukas niya nito ay kadiliman ang tumambad sa kanya. Palubog na pala ang araw at tulad kaninang umaga, ay madilim na naman ang corridor. Tumungo siya sa may kwartong kinaroroonan ng tatlo, pinihit niya ang pinto sa pagaakalang mabubuksan niya ito. Pero nagkamali siya, tulad ng nangyari kaninang umaga, naka lock na naman ito. Kumatok siya, kumatok ng kumatok. "Charles? Bry? Demi?? Nandyan ba kayo? Si Aliza ito, buksan niyo ang pinto!" Lalo niyang nilakasan ang pagkatok pero ni isa ay walang nagbukas.
CHAPTER FIVE
Napabalikwas si Aliza sa kanyang kama sa kwarto kung saan siya nakatulog. Hindi man lang niya naalala na nakatulog pala siya. Madilim na sa labas at wala man lang ilaw sa buong apartment niya. Nagulat na lang siya nang may magsalita sa kanyang gilid. "Buti naman at nagising ka na, kanina ka pa umuungol diyan." sabi ni Bry na nakaupo pala sa gilid ng kanyang kama. Nasapo niya ang kanyang ulo na bigla na lang kumirot.
"Ano na ang nangyari? Anong oras na?"
"Nakatulog ka ata pagkatapos mong mag computer. Alas nwebe y media na."
"H- ha?" napatayo siya at binuksan ang lampshade. "Natuloy ba ang balak ni Drey? Ano na ang nangyayari ngayon?" Binuksan ni Bry ang pintuan ng kwarto at nakita ni Aliza sa sala sina Demi at Charles na nanonood ng balita. Tumingin ang dalawa sa kanya ng ilang sandali at bumalik muli ito sa panonood. Umupo siya sa may sofa kasama ang dalawa at sumunod naman si Bry. Pinapanood nila ang isang reporter na kinakagat ng isang zombie.
"Tulungan mo ko, tulungan niyo ko!!!" malakas na sigaw ng babaeng reporter, nakuha din ng camera man ang ibang tao na nagtatakbuhan, nagkakagulo, may mga sumusugod na zombie habang ang camera man ay tumatakbo dahil umaalog alog ang camera nito. Nanatili ito ng mahigit sampung minuto at hindi nagtagal ay nakagat din ang camera man ng isang babaeng zombie na nakasalubong nito nang pasakay na ito sa elevator. Bigla na lamang nagka black out hanggang sa wala ka ng makita sa screen. Sinubukang ilipat ni Charles ang channel pero ganoon din ang nangyayari, hinahabol ang mga camera man ng ilang sandali hanggang sa nahuhuli na lang ito o nasasalubong ng isang tropa ng mga zombies na tila walang itim ang mga mata, bukol bukol ang mga kutis , gulo gulo ang mga buhok. Para silang nanonood ng isang zombie movie. Ang kaibahan nga lang ay walang tumitili ngayon, ang lahat ay tahimik na nanonood. Dumating ang hatinggabi at wala na silang mahanap na channel ng tv na pwede pang pakinabangan. Pinatay ito ni Demi at nagtitigan na lamang sila.
Ilang sandali lang ay nagsalita si Aliza. "Ligtas na ba talaga tayo dito sa building na ito?"
"Wag kang magalala, we got everything under control Aliza." tugon ni Demi.
"Kailangan kong tawagan ang pamilya ko, hanggang ngayon ay hindi ko pa din nahahanap ang cellphone ko. Meron ba kayo?"
"Pwede mong gamitin ang sa akin." sabi ni Bry sabay abot ng isang classic nokia phone.
"Yan ay kung makokontak mo pa sila." sabat ni Demi. Sinubukang mag dial ni Aliza pero hindi niya ito makontak. Sinubukan niya ng ilang sandali pa pero wala pa din. Tumayo siya at tumingin sa bintana, mula sa fourteenth floor ay kitang kita niya ang pagkakagulo, ang chaos, ang paghingi ng tulong ng mga biktima. Sa oras na makagat ang mga biktima, ilang segundo lang ay nagiging zombies na din ito. Napakabilis ng epekto.
"Mabilis na kumakalat ang virus. Ano na ang gagawin natin?" frustrated na tanong ni Aliza. "Wala na ba talagang pagasa Charles? Manonood na lang ba tayo dito?"
"Gusto mo bang bumaba at magpakabayani Aliza?" sabat na naman ni Demi. Umiling lamang si Aliza.
"Then we just stay here. Kung may kakailangan tayo, saka lang tayo bababa. No matter what happen, we just stick together." sagot ni Charles.
"Nagugutom ka ba Aliza? Kumain ka muna nito." yaya ni Bry sabay abot ng tinapay. "Akin na ang cellphone at ako naman ang kokontak sa pamilya mo."
Ilang araw ang lumipas, nanatiling nasa loob ng building ang apat. Ilang araw din silang nag search sa loob ng building kung may mga survivors, sa kasamaang palad ay wala ni isa sila makita. Sabagay, konti lang kasi ang nakatira doon, at nagkataon pang nasa labas ang mga ito nang kumalat ang virus. Kahit nga si Manong guard na taga bantay ng building ay wala sa loob. Sa kasamaang palad ay silang apat lang talaga ang naroroon. Hindi nila alam kung may survivors pa ba sa labas ng kanilang tinitirhan.
Sa tuwing titingnan ni Aliza ang sarili sa salamin, napapansin niyang lumalaki ang eyebags niya. Nang mga nakaraang araw din kasi ay hindi siya halos makatulog, paranoid pa din siya sa mga pangyayari. Madalas din naman siya makikitang nakaupo sa harap ng kanyang laptop, ang pagsusulat ng kwento ang kanyang tanging pagtakas sa magulong mundo. Naghilamos siya ng mukha, paglabas niya ng banyo ay nakita niya si Charles na nakaupo na sa kanyang sofa.
"O gising ka na pala." aniya dito.
"Dinalhan kita ng kape." nakangiting saad nito. "Kamusta ang tulog mo?"
"Hindi ako masyadong nakatulog."
"Kamusta naman ang pagsusulat mo? Masyado kang busy doon eh. Magpahinga ka muna ng ilang araw." suhestiyon ni Charles.
"Gustuhin ko man, hindi ko magawa. Gusto ko munang libangin ang sarili ko kahit papaano." Umupo siya sa tabi ng lalake at hinigop ang mainit na kape. "Sana panaginip lang ang lahat ng ito, sana gumising na ako. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin."
"Kahit kami Aliza. Hindi na rin namin alam."
"Kamusta na kaya ang mga magulang ko? Ang mga kapatid ko, hindi ko pa rin sila nakokontak." naluha si Aliza sa huling sinabi. Hindi niya na talaga kayang pigilan ang kanyang nararamdaman. Hinawakan ni Charles ang kamay ng dalaga.
"Magiging maayos din ang lahat." pagsisinungaling nito. "For the mean time, ayokong may mawala sa ating apat. Dito lang muna tayo. Baka may gawing rescue ang presidente ng bansa, baka malipat pa tayo sa mas mabuting lokasyon, at doon baka makita mo na sila." Niyakap siya ni Charles ng mahigpit at kahit ilang sandali lang ay naramdaman ni Aliza ang kapayapaan.
CHAPTER SIX
Frustrated na frustrated na si Aliza nang ibaba niya ang cellphone ni Bry sa mesa, hanggang ngayon ba naman kasi hindi pa rin niya ma kontak ang kanyang pamilya. Sobrang nagaalala na siya. Gustuhin man niyang umalis ng building na iyon ay hindi naman siya pinapayagan nina Charles dahil delikado. Kung hindi lang siya takot sa zombie na pagala gala eh di sana matagal na siyang bumaba.
Ilang araw na ang lumipas mula ng kumalat ang virus. Ang hirap na talaga ng pakiramdam niya, gustong gusto na niyang makausap ang pamilya, gusto niya na malaman kung kamusta na ba sila? "Demi, paano ba-"
"Ano? Umalis dito? At ano ipapahamak mo kami? Magisip ka nga Aliza, walang ganyanan. Kung gusto mo magpakamatay, tumalon ka sa bintana!"
"Wag ka namang ganyan ka harsh kay Aliza, Demi." suway ni Bry. Tulad ng nakagawian, nakaupo silang lahat sa sala sa apartment ni Aliza habang nanonood ng DVDs na collection ni Bry. Ganoon halos ang pangyayari araw araw, tatayo lang sila pag kakain o di naman kaya para bumanyo. Ang panonood ng DVDs ang tanging paraan nila para makatakas sa realidad. Pero sa kanilang lahat, tanging si Aliza ang hindi na alam ang gagawin. Desperado na siyang umalis sa lugar na ito. Naiisip niya nga na bahala ng makagat siya ng zombies, para matapos na ang paghihirap niya.
"Eh kasi naman Bry may balak pa siyang ilagay tayo sa kapahamakan."
"Magiging konsensya ka pa namin Aliza pag may nangyaring masama sayo." sabat ni Charles na ngumangata ng chips.
"H- hindi naman sa ganoon." Tumayo si Aliza at pumunta na lamang sa loob ng kanyang kwarto. May araw pa sa labas pero mas nanaisin na lang niyang matulog. Hindi niya na din kayang tumingin sa bintana dahil hindi niya kaya ang mga nakikita niyang nagpapatayan na zombies at tao sa may ibaba. Napalunok si Aliza, desidido na siya gagawin. Sa oras na tulog na tulog ang lahat ng tao dito ay aalis siya. Tatakas siya. Hindi na niya kaya pang maghintay na lang dito. Kung mamamatay siya, eh di mamamatay siya.
Sa buong araw ay hinintay niyang makatulog ang lahat, pero laging may naiiwang nakabukas ang mga mata. Umabot ang hatinggabi at hanggang sa makatulog siya. Nang sumunod na araw, pagkagising niya ay naabutan niya ang tatlo na nakahilata sa sala, patay na ang tv at kalat na kalat ang mga chichirya sa sahig. "Kung hindi pa ako kikilos ngayon, kailan pa?" bulong niya sa sarili. Dahan dahan siyang bumangon at tahimik na naglakad palabas ng apartment, bago pa niya sinara ang pinto ay tiningnan niya muna ang maamo at gwapong mukha ni Charles. "Paalam." aniya. Pagsarado niya ng pinto ay hindi pa rin siya makahinga ng maluwag. Pumunta siya sa kabilang kwarto ng tatlo at kumuha ng magagamit na armas. Isang shot gun ang kinuha niya at isang bag ng bala. Sumakay siya ng elevator at pinindot ang ground floor button. Malakas ang kabog ng kanyang puso, sa takot na baka mahuli siya ng mga naiwan at ng posibilidad na sa oras na makalabas siya sa building na ito ay makagat siya ng mga zombies. "Hindi, kaya ko ito. Hindi ako susuko." aniya sa sarili.
Buti na lamang din at dahan dahan na tumigil ang elevator. Paglabas niya noon ay hinanap niya ang posibleng pindutan para mabuksan ang gate. Nakita niya ang orasan na nagsasabing alas siyete na ng umaga. Sa wakas ay nakita niya din ang isang button na nagsasabing "release gate". Tumingin na muna siya sa labas kung may zombie ba sa paligid pero wala siyang nakita. Agad niyang pinondot ito at agad naman ito bumukas. Sa bandang gilid ay pinindot niya ang close button. "Okay, success. Success!" masaya niya pang sabi.
Paglingon niya sa kanyang dadaanan, ay hindi siya agad nakapaglakad. Kitang kita niya ang pagbabago ng siyudad. Ang mga kotse ay nakakalat na lamang, ang iba ay sira sira, wala ni isang tao ka makikita. Malaking pagbabago mula nang una siyang dumating sa lugar na ito kung saan nagsusulputan ang lahat ng tao mula sa kung saan. Samantalang ngayon, tila zombie town na ito kung maituturing. Pakiramdan niya ay isa na lamang itong instraktura ng mga gusali, maganda at maaraw man ang langit, wala namang kabuhay buhay sa paligid. Pakiramdam niya ay nagiisa na lamang siya sa buong mundo.
"So balak mo talagang umalis nang walang sabi sabi?" nagulat si Aliza sa narinig. Napalingon siya at nakita si Charles sa kanyang likuran.
"Paanong hindi kita narinig na dumating?" tanong niya.
"Ginamit ko ang gate." tipid niyang tugon.
"Pero hindi ko man lang narinig-"
"Sagutin mo ang tanong ko, aalis ka na lang ba nang hindi nagpapaalam? Balewala na ba sayo ang ilang araw na pinagsamahan natin? Bakit ang lakas ng loob mo na umalis, kaya mo ba harapin ito magisa?" may hinanakit sa boses nito.
"S- sorry, ayaw niyo naman kasi ako payagan." ani Aliza. "Charles, gusto ko na talaga malaman kung nasaan na ang pamilya ko? Hindi ko na kayang makatulog sa gabi dahil lagi ko silang naaalala!" naiiyak niyang sabi. Lumapit si Charles sa kanya at hinawakan siya sa kamay.
"Alam mo ba kung paano bumaril? Halika at tuturuan kita."
CHAPTER SEVEN
Gumagabi na pero hindi pa rin kami tinatantanan ng mga zombie na humahabol sa amin. Grabe, hindi ko akalain na ganito sila karami. Hindi naman pala mahirap matutunan kung paano bumaril. Para lang akong nasa arcade-an. Ang nakakapagod lang ay ang pagtakbo, hindi naman kasi ganoon kalakas ang resistensya ko, lagi akong hinihingal. Muntikan pa nga kami maabutan ng isang humahabol buti na lang at nakasakay kami agad sa isang kotse na nagawan ng paraan ni Charles para umandar. At kitang kita ng dalawang mata ko kung paano nasagasaan ni Charles ang mga zombies sa aming harapan na para lang silang mga domino na isa isang nagtumbahan. Mabilis ang patakbo niya pero hindi kami nakaligtas sa isang zombie na hindi namin alam kung paano nakapasok sa loob ng kotse. Hawak hawak niya ang leeg ni Charles habang ako naman ay hinahampas ito ng dala kong shot gun. "Shoot it Aliza, SHOOT IT!!!" At muli ay nagpakawala ako ng bala na siyang ikinabulagta ng zombie na iyon, sinipa ko siya agad palabas ng pintuan.
"Okay ka lang?" tanong ko kay Charles na mukhang sinusubukan pang bumawi mula sa pagsakal sa kanya.
"Ayos lang ako, sa tingin ko siya ang may ari ng sasakyan na ito. Kamukha niya ang narito sa isang litrato."
"Ganoon ba?" Tiningnan ko ang litrato, tama nga si Charles, ito nga ay may ari ng sasakyan. Nakasalamin nga lang siya at checkered na polo shirt sa litrato, ang zombie kanina ay luwa ang isang mata, nakalabas ang isang dila, duguan ang damit at puno ng sugat ang katawan. Gustuhin man niyang umiyak, para saan pa? "Ngayon pa ba ako mage emote ng ganito? Malamang ilang araw ng ganito ang nangyayari sa buong paligid, di ba?" bulong niya sa sarili. "Sana nga lang at hindi pa huli ang lahat. May tutulong pa kaya sa amin? Ano na ang susunod na kabanata?" Napakaraming tanong sa kanyang isipan.
Napabalikwas si Aliza mula sa pagkakahimbing sa pagtulog. Pasikat na ang haring araw nang idilat niya ang kanyang mga mata. "Buti naman at nagising ka na? Wala akong pinakinggan buong gabi kung hindi ang iyong paghilik." sabi ni Charles na nagmamaneho pa rin sa kanyang kaliwa.
"Nasaan na tayo?" tanong ni Aliza.
"Isang siyudad na lang at mararating na din natin ang Marble,makikita na rin natin ang pamilya mo."
"Sana nga makita ko silang muli." tugon ni Aliza nang biglang narinig niya ang malakas na pagkalam ng sikmura.
"O, gutom ka na pala. Hindi na kita ginising kabi nang mag meryenda ako eh." ihininto ni Charles ang sasakyan at kinuha ang back pack. "O eto tinapay, lagyan mo na lang butter na naka pack dyan."
"Wow, buti na lang may dala kang pagkain."'
"Noong una nga ay hindi ako makapaniwala na hindi ka man lang nagdala ng pagkain mo? How do you expect to eat, ni wala kang tubig!" pagsesermon sa kanya ni Charles. Kumuha din ito ng pagkain at nagsimulang ngumuya.
"Sa tingin mo kamusta na kaya sina Demi ngayon?"
"Malamang malungkot ang mga iyon, hindi nila inaasahan ang pagalis ko. Ang alam nila at ang napagusapan, hinding hindi kami maghihiwalay."
"Kasalanan ko..." saad ni Aliza.
"Ayoko rin namang mapahamak ka Aliza dahil kaibigan na rin kita, magkakaibigan na tayong apat. Hindi kaya ng konsensya ko na hahayaan na lang kita umalis. Hayaan mo na at hindi naman nila pababayaan ang isa't isa. At isa pa, pinangako ko sa sarili ko na babalik ako doon sa building na iyon. Sana rin Aliza, isama mo na ang pamilya mo doon." ani Charles sabay hawak sa kamay ng isa. Pinapaligiran sila ng kabundukan at kitang kita ang sunrise, unti unti nagiging maliwanag.
"Ang sarap ng ganitong feeling Charles, ang makita ang pagsikat ng araw, ang pakiramdam na may bukas pa."
At sa mga katagang iyon ay unti unti ring napapapikit si Aliza, napasandal siya sa may binatana habang hawak pa rin ang kamay ni Charles. "Bakit hindi ka sumandal dito sa akin?" yaya ni Charles.
"Sigurado ka?" Isang kindat na lamang sinagot ng lalake sa kanya, at yun nga ang kanyang ginawa. Ninamnam niya ang lambot ng matipunong balikat ni Charles.
"We better get out of here." Pinaharurot na naman ni Charles ang sasakyan.
CHAPTER EIGHT
"Aliza, gumising ka! Kailangan na nating umalis dito!" malakas na niyugyog ni Charles mula sa pagkakatulog si Aliza. Tila naman siya naalimpungatan pero agad siyang tumayo at inalis ang seat belts na walang tanong tanong. Mabilis silang bumaba ng kotse at nagsimulang tumakbo ng mabilis. "Dalian mo Aliza, kung hindi ay maabutan nila tayo!"
"Wala na tayong gas?"
"Wala na! Bilisan mo pa!" sigaw ni Charles. Sinubukang lumingin ni Aliza sa likuran para malaman ang dahilan ng kanilang pagtakbo. Paglingon niya ay agad siyang napatigil.
"H- hindi ito maaari..." mabilis at sunod sunod ang patak ng luha ni Aliza, sa hindi kalayuan ay mga taong mahal niya sa buhay, ang kanyang Ina at ilan sa kanyang mga kapatid, tulad ng iba ay naging zombie na ang mga ito.
"Anong problema Aliza? Hindi ka dapat tumigil!"
"Sila ang pamilya ko Charles! Tumakbo ka na kung gusto mo!"
"Wag mo itong gawin Aliza."
"Tingnan mo, sama sama pa din sila, kailangan kong sumama, umalis ka na Charles, iwanan mo na ako dito." tila nababaliw na sabi ni Aliza.
"Wala ka na ba sa pagiisip mo?" pilit mang tumakbo patungo sa kanyang pamilya si Aliza ay hindi niya magawa dahil yakap yakap siya ni Charles. Nang hindi pa magpapigil ay isang malakas na sampal ang iginawad sa kanya nito.
And then everything went black.
"Kamusta ang anak ko Doc?" tanong ni Aling Ariana sa naka assign na doktor sa kanyang anak.
"Malala na siya misis, nire recommend ko siya sa isang mental hospital na talaga sa bayan. Wala na siyang pagasa dito." sabi nito sa kanya. "Sa aming pagsusuri ay lumabas na matagal na itong kanyang schizophrenia, bakit po ba hindi niyo siya napaalalahanan na inumin ang kanyang gamot?" tanong ng doktor sa matanda.
"Oo nga po Misis, para po sa aming imbestigasyon na rin, maaari lang din po sana na sabihin niyo sa amin para maisulat namin sa report." sabi ng isang lalakeng mukhang detective o imbestigador, hawak nito sa isang kamay ang isang tape recorder. Nakaupo sila pareho sa opisina ng doktor.
"Matagal na po yang sakit niya Dok, pinapainom naman namin ng gamot, lagi namin siyang pinapaalahanan. Ngayon kasi mapilit siya at mukha namang magaling na siya. Balak na niya talaga humiwalay sa amin, sinabi niya na kaya niya na ang sarili niya."
"Pumayag naman ho kayo, tama?"
"Opo, wala na kaming nakikitang mga senyales ng sakit niya."
"Eh paano niyo po napag desisyunan na puntahan na siya sa tinitirhan niya?" tanong uli ng detective.
"Ilang araw na kasi na ring ng ring ang telepono ko, pag sumasagot naman ako ay sabay binababaan. Noong una ay hindi ko lang pinapansin, pero nagkakakutob na ako na si Aliza iyon. Iba po kasi ang number na gamit. Yung isa namang cellphone number na iniwan niya sa amin dati ay hindi na namin ma contact. Nagaalala na kami dahil ito ang unang pagkakataon na luluwas siya ng Marble. Pinahanap pa namin siya na tumagal din ng ilang araw."
"Nang madatnan niyo po siya sa kanyang tinutuluyang apartment, pwede niyo po bang mailarawan ang nakita niyo?"
"Kasama ko ang bunso kong anak na si Jelly nang puntahan namin siya sa apartment niya. Nagpatulong pa kami kay Manong guard mabuksan lang ang nakalock na pinto. Pagbukas namin ay nakita namin ang magulong sala niya, puno ng balat ng chichirya, lata ng softdrinks, aakalain mong may ilang taong nakatira doon. At sa isang sulok ay nakita ko ang aking anak na tila umiiyak, nagsasalita ng kung anu ano na hindi ko maintindihan." tuluyan ng umiyak si Aling Ariana.
"Sa tingin mo bakit ginusto ng ate mo na magsarili?" tanong ng detective kay Jelly dahil mukhang hindi na makapagsalita ang Ina nito. Si Jelly ay katatapos lamang sa kolehiyo na napagaral din ng kanyang Ate sa pagiging chef nito.
"Sabi niya po kasi sa amin ay gustong gusto niyang magsulat, sinabihan po namin siya na pwede naman po siyang magsulat sa bayan namin pero nagpumilit siya na gusto niya sa siyudad."
"May ilang bagay ka pa ba napansin nang pumasok ka sa bahay na iyon?"
"Teka po, detective po ba kayo? Pwede naman pong kayo na ang pumunta doon mismo di ba?"
"Ang totoo niyan miss, wag ka sana magagalit, isa akong blogger. Kailangan ko lang talaga ng mga ganitong kwento at impormasyon."
"Ah ganoon?" masungit na tanong ni Jelly.
"Sige na naman Miss, pagbigyan niyo na ako. Mabuti naman ang hangarin ko." pagmamakaawa ng lalakeng blogger pala ng kung anu anong mga kwento.
"O siya sige na nga."
"May naisulat naman ba siya?"
"Sa totoo lang meron. Nang tingnan ko ang bagong laptop ni Ate ay nakita ko ang nagiisang document na naka save doon. Around 300 pages na nga eh, hindi ko akalain makaksulat siya ng ganoon."
"Nakita mo ba kung ano ang title?"
"Wala pa itong title, pero nang basahin ko ang ilang bahagi, nalaman ko na tungkol ito sa mga zombies. Ang weird nga eh, sa lahat naman ng pwede niyang isulat, tungkol pa sa tatlong magkakaibigan na nilalabanan ang mga zombies at may hide out pa na isang building."
"Interesting." saad ng blogger.
"Yeah, tama ka diyan. Sobrang weird, ganoon lang siguro talaga ang mga katulad ng ate ko." malungkot na tugon ni Jelly. "Sana gumaling na siya..." dagdag pa nito.
(THE END)