Talamak sa bawat distrito
patok sa karamihang tao maraming ungas nahuhumaling dito nakakaadik parang bato mahihiwagaan ka susubukan mo sa unang tikim uubo sabay mahihilo kalaunan mababaliw hahanap-hanapin mo matinding proseso kung nais ihinto nagsisilbing panghimagas pagkatapos ng kainan hindi maaaring mawala sa bawat tagayan pampalipas oras sa nakababatong kalagayan hindi ka kaya mamatay agad niyan? samu't saring mga pangalan at tatak may kalakip na lasa sa bawat kulay ng pabalat hatid libong nakamamatay na kemikal sa utak baka pagsapit ng umaga sa langit ka na dumilat? takatakatak, pabili nga manong takatak pa sinde, sa bunganga isasalpak todo hithit hanggang sa wala ka na maitaktak ang sarap, buhay mo unti-unti ng pinapapak A Story From Love Suyman ( in celebration for the Mom\'s Day ) mula kay Mary Rose Birad Pumatong5/31/2011 Gulay na naman? Gulay na kasing pangit ng kamay mo ang lasa? Galit na sabi ko habang tinuturo ang malaking peklat sa kamay aking ina.
Anak, pagpasensyahan mo na. Babawi ako pangako pag nagkapera na ako' mapagkumbaba nyang sagot. Hindi! Simula bukas, pupunta na ako sa factory at ako na ang pipili na uulamin ko!! Matigas kong sagot at lumabas ako ng bahay. Mayaman kami dati pero nagkasakit at namatay yung papa ko. Tuloy tuloy ang kamalasan hanggang nasunog ang bahay namin dahil sa tanga kung ina at naghirap na tlga kami ng tuluyan. Oo,galit ako sa ina ko dahil sya ang sinisisi ko sa lahat. Si Lola lang ang kasundo ko ngayon. Kinabukasan ay pumunta ako ng factory para ako na ang pipili ng ulam. Sawa na ako sa gulay. Sa gilid ng canteen ko nakita ang aking ina at nakapila ito kasama ng iba pang empleyado. Nacurious ako kaya inabangan ko kung ano yung meron. Ilang saglit pa ay may namimigay ng pagkain. Libreng lunch siguro. Buti pa sya nakakakain ng mabuti dito, hindi man lang kami inisip' sabi ko sa sarili. Aalis na sana ako pero parang may pumigil sa akin kaya tiningnan ko lang yung ina ko sa may sulok naka-upo. May kinuha sya sa bulsa nya, isang plastic bag at nilagay nya yung ulam nya sa plastic bag na yun at tinago ito. Tama ba ang iniisip ko? Tanong ko sa sarili ko. Kumain na ang ina ko ng wala man lang ulam at tubig lang ang nasa tabi ng kanin. Yung plastic bag na yun, ganun yung lagayan ng ulam na dala palagi ni mama. Ngayon alam ko na. Bakit nagsinungaling sya? Bakit di na sinabi? Nakokonsensya ako nung nakita ko sya na sinusubo yung kanin at umiinom ng tubig pagkatapos. Di ko na mapigilan ang luha ko kaya tumakbo ako pauwi ng bahay. Nakita ako ni lola na umiiyak kaya sinabi ko sa kanya ang mga nakikita ko. Dun ko din nalaman na hindi lang pala yun ang sakripisyo na ginawa nya para sa akin. Nung nasunugan kami, hindi ako makalabas ng kwarto at sa sobrang kaba at dami ng usok na nahigop ko, nag-collapse ako. May naramdaman ako na may bumuhat sa akin para iligtas ako. Hindi na ako nag-abalang magtanong kung sino yun dahil sa sobrang galit ko kay mama at iniiwasan ko na tlga sya. Madalas akong maglayas. Ngayon alam ko na kung bakit malaki yung peklat nya sa kamay. Siya pala yung nagligtas sa akin. Hindi siya nagdalawang isip na iligtas ako kahit pa ikamamatay nya yun dahil sa pagmamahal nya sakin. Napakatanga ko. Napakasama ko. Pagkatapos namin magusap ni Lola ay inayos ko ang sarili ko at babalik ako sa factory. Magpapasalamat ako kay mama at hihingi ako ng tawad. Alam ko, hindi pa huli ang lahat. Paano nga ba mabuhay sa mundo ng di mo alam ang saysay mo?
Ang halaga mo... Ang importansya mo... Ang sarili mo? Ang direksyon ng buhay mo... Ang gusto mo? Ang bagay na makapagpapasaya sayo... Mahirap.... Nakakalito... Para kang isang tao na napunta sa katawan ng di mo kilala. Parang estrangherong hindi alam kung saan pupunta. Hinahanap ang mga bagay na di mo naman makita. Hinahanap ang mga bagay na di mo naman alam kung ano. Paano ba kumilos? Paano ba makisama? Paano ba makipagkapwa? Kung sa bawat pakikisalamuha, Ramdam mo ang pagiging iba. Feeling mo walang nakakaintindi sayo. Feeling mo nag iisa ka lang sa mundo. Na kahit anong ingay Nang bawat tao sa paligid mo, Wala kang marinig na kahit na ano. Wala kang maramdaman. Wala kang maintindihan. Bakit ganito? Bakit ganyan? Bakit ganito sa pakiramdam. Ilang beses kong pinilit ang maging masaya. Ilang beses kong pinilit ang lumigaya. Pinilit ko narin ang sarili na tumawa. Humalakhak ako...at ngumiti sa harap ng napakaraming madla. Ang resulta??? ...WALA.... Lahat ay nauwi sa pagkukunyari... Pekeng tawa, Pekeng halakhak, At pekeng ngiti... Lahat hindi totoo. Lahat arte lang... Mahirap palang magsinungaling sa sarili Marami nang tao ang umusisa Ilang beses na akong tinanong "Bakit ka ganito? Bakit ka ganyan?" Ang lagi kong sagot.... "hindi ko alam." Advise ng isa, "Pakamatay ka nalang.." Limampiso lang blade, bili ka dun sa tindahan. Pero naisip ko... Hindi ko dapat gawin yun... Ginawa ng Diyos ang tao na may dahilan Na bukod sa espesyal tayo at sobra niyang mahal, May tungkulin tayong dapat gawin o gampanan. May dahilan kung bakit andito ako sa mundo... May halaga ako... May magagawa ako... Bata pa ako... Marami pa akong magagawa sa mundong ito. Marami pa akong matututunan. Marami pa akong malalaman. Marami pa akong matutuklasan. Malay ko ba... Isang araw... Magising nalang ako na nasa akin na pala ang matagal kong hinahanap. Ang bagay na makapagpapasaya sa akin. Ang bagay na pupuno sa kakulangang nararamdaman ko. Hanggat di ko pa natatagpuan yon... Patuloy akong mabubuhay... Pipilitin kong makisama... Pipiliting gawing positibo ang mga bagay bagay. Mula sa mga parteng malungkot, masakit at negatibo... Sa paningin ko..... At nang lahat.... Ang mga luha sa aking namumugtong mga mata ay unti-unting tumutulo sa mga nanginginig kong mga kamay. Ano ba ang ibig sabihin ng mga luhang ito? Ito ba ay pagsisisi? Ito ba ay luha dahil sa nagawa kong kasalanan? O ito ba ay mga luha ng kasiyahan? Ano ang mga luhang ito at para saan?
Mali ang aking nagawa, at aminado ako doon. Pero sana ay maintindihan ninyo na ginawa ko iyon hindi dahil sa akin itong nais, kundi dahil sa ito ang nararapat. Wala nang ibang mapagpipilian kundi iyon na lamang. Masama pa rin bang maituturing ang gawin ang isang bagay na siyang nag-iisang daan para makamit ang kasiyahan? Baliw bang maituturing ang isang taong kumilos para tanggalin ang nakataling kapighatian sa kanyang buhay? Huwag niyo akong tawaging baliw, dahil wala kayong alam. Pare-parehas lang kayong mga mapanghusga! Kayo at ang mundong ito! Huwag ninyo akong tawaging baliw dahil hindi ninyo alam ang kapaitang sinapit ko sa sarili kong kaibigan. Oo, kaibigan. Ako ay tao din, huwag ninyong kakalimutan iyan. Isa akong tao na niluwal mula sa sinapupunan ng aking ina. At gaya ng lahat ng tao, ako ay hindi namuhay bilang isang isla sa dagat na puno ng masusungit at nakakikilabot na mga alon. Ayos naman kami nung una. Matalik kaming magkaibigan ni Tropa. Lagi kaming magkasama saan man kami magpunta. Magkasama kaming naglaro sa mga bakanteng bahay. Magkasama kaming nagpagulong ng mga gomang gulong sa kalsada. Magkasabay kaming lumaki at ang aming pagiging magkaibigan ay naging matibay ano mang delubyo ang dumating. At bilang mga bata, wala kaming pagkakaiba. Kung meron man ay hindi namin ito pansin. Parehas naming alam na pareho lang kaming mga bata na walang humpay na naglalaro sa mundong walang tigil ang ikot. Nakalimutan kong ang pinakapermanenteng bagay sa mundo ay ang pagbabago. Lumaki kami ni Tropa, gaya ng lahat ng mga bata. At may mga pagbabago. Tumigas ang boses, tinubuan ng buhok sa mga bagay na wala namang buhok dati, tumaas ang tindig, at mas lumawak ang kaisipan. At kami ni Tropa ay magkaibigan pa din. Nagsasabihan kami ng sikreto, ng problema, at nag-aapay ng solusyon para dito. Magkasama pa din kami ni Tropa, kahit tila umuukit na ang aming mga pagkakaiba. Sa paaralan, si Tropa lagi ang nangunguna. Madami siyang alam sa mga aralin, na akin namang pinagtatakhan. Bawat aralin naiintindihan niya kaagad, at minsan alam na niya ang aralin bago pa man ito ituro ng guro namin. Hindi ko ito binigyang pansin dahil alam kong ang bawat tao ay may iba't ibang kakayanan. Tinanggap ko sa sarili ko na matalino sa Tropa. At magaling siya sa klase. Totoo na mas magaling si Tropa kaysa sa'kin sa klase dahil mas napansin ko ang kaligayahan ng eskwela sa daan ng kalokohan, dahilan upang laging maipatawag sa opisina ng Principal ang aking mga magulang. Pero hindi naman ibig sabihin n'on na napabayaan ko na ng buong-buo ang aking pag-aaral. Inuulit ko, hindi ko napabayaan ng buong-buo ang aking pag-aaral. Kami ni tropa ay magkaibigan pa din. Oo, hindi ako naiingit sa kung ano mang talento ang meron siya sa pag-aaral. Sa halip ay ginawa ko itong daan upang mas magkaroon ng bunga ang aming pagiging matalik na magkaibigan: nagpatulong ako sa kanya sa mga leksyon namin sa eskwela.Natuwa naman ang aking pamilya sa ginawa kong ito. Parang napatunayan ko sa kanila na kahit maloko ako sa paaralan e hindi pa nawawala ang pagkagiliw ko sa pag-aaral. Pwera sa aking Ama. "Ya'ng kaibigan mo magaling sa pag-aaral dahil sa sarili niyang pagsisikap. Ikaw, humihingi ka pa ng tulong sa iba. Hindi ka ba nahihiya?! Sabagay, sa paggawa nga ng kalokohan sa eskwela wala kang hiya eh. Kahit sa amin nga ng nanay mo wala kang hiya eh. Kahit d'yan sa kaibigan mo hindi ka nahiya eh.Nagpapatulong ka pa imbis na 'yung oras na uubusin n'ya sa'yo eh gamitin na lang niya sa pag-aaral n'ya."Nagbingi-bingihan nalang ako nang magsalita si Ama. Inisip ko nalang na nagbibiro siya. Pero pagkatapos n'on, hindi na ako nagpaturo ulit kayo Tropa. Hindi ako nagalit kay Tropa dahil sa mas gusto siya ng sarili kong ama. Siyempre, bilang Ama, gusto mo maging maayos ang anak mo. 'Yun lang siguro ang intensyon ni Ama nung nasabi n'ya sa'kin 'yon. Ayos lang. Naiintindihan ko siya. Ang kailangan ko nalang ayusin ay ang ag-aaral ko. Nag-aral at nagsumikap ako nang hindi humihingi ng tulong kaninuman. Ang naging resulta nga lang ay hindi tulad ng inaasahan ng aking pamilya. Sabay kaming nagtapos ng High School ni Tropa. Si Tropa, tadtad ng medalya, iba't ibang parangal at isang "Certificate for Scholarship" mula sa Ateneo De Manila University. At ako, nagtapos bilang isang normal na estudyante, bitbit ang isang "Loyalty Award" at Diploma. Naalala ko pa ang walang-bakas ng ngiti na mukha ni Ama sa litrato namin nung graduation. Si Tropa, dahil sa kanyang scholarship, ay nakapag-aral ng libre sa Ateneo De Manila University. Ako, ayoko na mag-aral. Para kasing 'pag sinabi ko sa aking Ama na gusto kong mag-aral ng kolehiyo matapos ang mga kalokohan ko nung high school, eh parang ang kapal naman ng mukha ko. Ngunit, hindi ba't karapatan ng anak na pag-aralin siya ng kanyang magulang? Dahil sa pera ng aking pamilya, ako ay nakapag-aral sa Ateneo De Manila University. At pagtuntong ko doon, nalaman kong sikat na agad si Tropa. Ang pangalan n'ya ay kinabibiliban at kinagigiliwan sa bawat sulok ng Ateneo. At ang balita na ako ay matalik n'yang kaibigan ay kumalat din.Hindi nga lang tulad ng aking inaasahan. "Huh? Kaibigan siya nung Dean's Lister? Eh sabi ni Prof. Gomez bobo daw 'yan eh!" narinig ko ang dalawang magkaibigan na nagchi-chismisan."Oo daw, best friends daw since nung bata pa sila. Well, kaya siguro dikit ng dikit yan dun eh hoping na tatalino din s'ya!" sabay tawa.Hindi ko ito binigyang pansin. Hindi nila ako kilala at hindi nila alam ang lalim ng pinagsamahan namin ni Tropa. Ang pagiging magkaibigan namin ni Tropa ay nagtagal, ano mang delubyo ang dumating.'Yun nga lang, isang araw, kakaibang delubyo ang dumating.Nakilala ko ang isang babeng nagngangalang Elena.Isa siyang anghel mula sa langit. Mayroon siyang itim na buhok na mabango sa aking pang-amoy, at marikit na mga mata na liwanag sa kadiliman. Mahal ko siya, pero nung una ay akin muna itong inilihim. Pero hindi ako tinantanan ng tibok ng puso ko. Dala na rin siguro ng mga sandaling kasama at maka-tatawanan siya. "Mahal kita..." sabi ko sa kanya, "At sana'y mahalin mo din ako.""Hindi kita mahal." sagot ni Elena, "Dahil mas mahal ko siya." Dumating si Tropa sa likod niya, at hinawakan niya ang kamay nito.Hindi ko na kinaya pang titigan sila. Tumalikod ako at tumakbo papalayo, kasabay ng mga luhang biglang nagsulputan sa aking mga mata. "Sana'y maintindihan mo..." narinig ko pang sabi ni Elena.Ano'ng iintindihan ko? Na mas mahal n'ya si Tropa kaysa sa'akin? Bakit, ano bang meron si Tropa na wala ako?Hindi ko maintindihan, at kahit kailan ay hindi ko maiintindihan. Simula noong araw na 'yon, kinamuhian at kinasuklaman ko na si Tropa. Hindi ko na siya kinakausap, hindi dahil sa ayaw ko, kundi dahil sa ayaw ko nang masabi ang ano mang hindi ko na dapat pang sabihin. Umiwas na rin ako sa kanya, at ang schedule ko sa kolehiyo ang nagpadali doon.Pero aaminin ko, may mga oras na mag-isa akong umiiyak. Inis na inis ako sa sarili ko. May isang bagay na mayroon kay Tropa na wala sa'kin.Pero kahit na. Sa pagkaka-alam ko, parehas kaming tao.Ngunit bakit siya mas pinili ni Elena?! Dahil sa sawi kong pag-ibig kay Elena, at galit ko kay Tropa, tuluyan kong napabayaan ang aking pag-aaral. Dahilan upang ang aking Ama ay dagdagan pa ang hirap sa damdamin kong wasak na."Sana 'yang kaibigan mo na lang ang naging anak ko...mas matutuwa pa siguro ako."Tuluyang sumabog ang puso at pagkatao ko. Tinakwil na ako ng sarili kong Ama, at mas pinili si Tropa. Hindi ako kayang mahalin ng babaeng mahal ko dahil mas mahal nito si Tropa. Hindi ako napapansin ng ibang tao...dahil nandyan si Tropa.Putanginang Tropa 'yan. Lumayas ako sa bahay namin. Wala man lang pumigil sa akin. Nagpalipat-lipat ako ng bahay, nakikitulog kung kani-kanino. May pera naman ako, konting ipon, pero kahit pala alam mong may lakas at gasolina ka na para lumarga sa daan ng buhay mo eh mahirap pa din magsimula.Isang araw, hindi ko sinasadyang makasalubong si Tropa sa daan."Ilang araw ka nang hindi pumapasok sabi ni Prof. Gomez. Bakit ba?" tanong ni Tropa. "Alam kong galit ka sa'kin. Pero sana naman 'wag mong gawing miserable buhay mo nang dahil lang do'n.""Naglayas ako." sagot ko, pilit na tinatanggal ang pagkapait ng aking tono."O, sa'n ka tumutuloy ngayon?" tanong n'ya."Wala nga eh. Palipat-lipat lang ako ngayon." sagot ko."O, eh ba't di ka pa pumupunta sa bahay ko?" tanung ulit n'ya.Hindi na ako nakasagot. Hindi totoong hindi ko naisip pumunta sa bahay niya, kaso mas nauna ang galit ko sa kanya."Alam kong galit ka sa'kin." sabi n'ya, "Pero hindi ko kasalanang mahalin ako ni Elena."Kasalanan mo lahat, gago. "Doon ka na muna sa bahay tumuloy, habang mainit pa ulo mo sa tatay mo." pag-aaya niya."Sige Tropa, salamat." mapait kong sinabi. May puso pa rin pala siya. Ay! Sabagay, puso ng isang bulag at manhid. Ganyan talaga ang mga ignoranteng tao. Hindi nila alam kung kelan sila nakakasakit.Pumayag ako dahil wala na rin akong ibang kakilala na pwede kong tuluyan.Sa bahay ni Tropa ako pansamantalang nanirahan.Sa umaga, lalabas ako ng bahay, at bibili ng sarili kong pagkain. Hindi ko kayang sikmurain ang mga alok ni Tropa na pagkain.Sa pagtulog, siya ay natutulog sa kwarto n'ya at ako sa sala. Hindi ko kayang makita sa pagmulat ko sa umaga, ang mukhang kinasusuklaman ko.Maaaring hindi ko naiintindihan noon, pero naiintindihan ko na ngayon.Si Tropa, matalino. Maganda ang mukha.Ako, walang alam. Walang sariling tahanan, walang kaibigan, walang minamahal, walang utak, at walang magandang umaga. Ang mismong pag-iisip ko n'yan ang mismong nag-udyok sa aking magwala. Gusto ko sabihin ang lahat ng galit ko, ibuhos ang lahat ng kapaitan...Oo, matalino at gwapo si Tropa...pero sa pagkakaalam ko, parehas kaming tao...kaya dapat din akong mahalin ni Elena...at ng sarili kong Ama... "Mas mahal ko siya..." "Sana siya nalang ang naging anak ko..." Bumubulong pa ito. Tangina ninyo! Tigilan n'yo ko! "Mas mahal ko siya..." "Sana siya nalang ang naging anak ko..." Oo, matalik kaming magkaibigan ni Tropa, pero sa mga oras na 'yon, hindi ko na 'yon naalala.Ang alam ko lang ay habang nabubuhay si Tropa, mananatiling nasa kanya ang puso ni Elena...at ng aking ama.Alas-dose ng madaling araw, gising ako at tulog si Tropa. Ako nakahiga sa sofa sa sala. Si Tropa naman ay mahimbing ang tulog at nakalibing sa init ng yakap ng kanyang mga kumot. Kumuha ako ng kutsilyo sa kusina, at pinuri ang taglay nitong talim. Dahan-dahan akong lumakad papunta sa kanyang kwarto, at unti-unting binuksan ang pintuan.Binuksan ko ang ilaw at bumungad sa'kin ang inosenteng mukha ni Tropa kapag natutulog.Tinaas ko ang kutsilyo at sinaksak ang dibdib ni Tropa, ngunit mababaw lang ang pagkalubog ng talim. Pero ito ay naaayon lamang upang magbigay ng nararapat na sakit, dahilan upang magising siya at magsisigaw.Nagpupumiglas siya, at nakita ko ang takot sa kanyang mga mata. Wala na akong pakialam.Pinagsasaksak ko ang mukha, hiniwa-hiwa ito para tuluyang masira...wala na ang maganda niyang mukha!Tumalsik ang dugo sa aking mukha, at ito rin ay nagsilbing mantsa sa aking damit at dumi sa aking kamay. Hiniwa ko ang leeg ni Tropa, dahilan upang mas tumagas pa ang madaming dugo. Nagkikikisay siya, hanggang sa kumalma ang mga sigaw, tumigas ang kanyang katawan, at nawalan ng buhay si Tropa.Ako ay napangiti. Unang beses akong ngumit sa ilalim ng bubong na 'yon. Agad-agad akong nagsindi ng sigarilyo, at nang maubos na ito ay pinatay ko ang baga nito sa mga dilat na mga mata ni Tropa. Sira na ang mukha niya!Wala nang kalaban. Mapapasakin na ang loob ni Elena...at ng aking ama. TOK! TOK! TOK!Biglang may kumatok sa pintuan ng bahay. Sumilip ako sa bintana at aking nakita: mga kagawad. Maaring narinig nila ang mga sigaw ni Tropa. Binuksan ko ang pintuan at agad na sinipa ang isang kagawad. Pagkatpos n'on ako say kumaripas ng takbo sa madilim na kalsada habang hinahabol pa ako ng dalawa pang kagawad."Hoy!" sigaw nila.Mga tanga! Hindi ninyo ako mahahabol. Lalo na ngayong maligaya ako!Kumaliwa ako sa isang madilim na eskinita at nagpahinga. Maaring sumuko na ang mga kagawad sa paghabol sa'kin dahil napansin kong nawala na sila.Napangiti ako. Napatay ko si Tropa, at hindi man lamang akong nahuli. "Bakit mo ako pinatay?" biglang may bumulong. "Sino 'yan?" sabi ko. Tumingin ako sa paligid ko, ngunit wala akong nakita. "BAKIT MO AKO PINATAY?" sigaw ng kadiliman. "MAGPAKITA KA!" hamon ko. At agad lumabas mula sa hangin ang duguang katawan ni Tropa. "Bakit mo ako pinatay?" sabi nito."I-imposible!" sigaw ko. Kinuha ko ang kutsilyo na hawak-hawak ko pa, na siya ring ginamit ko para patayin si Tropa, at sinubukang tamaan at saksakin ang ilusyong ito. Ngunit tumagos lamang ang patalim sa kanya.Sa isang iglap, sumikip ang aking hininga. Lumabas ang mga luha sa aking mga mata. Ako ay sinsakal ng duguan bangkay na ito ni Tropa."Bakit mo ako pinatay?" ulit pang sabi nito.Hindi ako nakapagsalita. Mahigpit ang kanyang kapit sa aking leeg, at kapag hindi ko ito natanggal, maaring mamatay din ako.Pero dahil na rin sa lakas na meron ako, natanggal ko ang sakal sa aking leeg.Tumakbo ako kahit mahirap para sa'kin dahil naghahabol pa ako ng hininga. Tumakbo ako dahil ako ay takot. Tumakbo akong nagsisisigaw sa kalsada. At ang duguang bangkay ni Tropa ay humahabol sa akin.Pumikit na ako, wala na akong pakialam kung ano ang aking mabangga. Basta nung oras na 'yon, ang pinakagusto kong mangyari ay matakbuhan ang humahabol sa akin.Bumangga ako sa isang grupo ng mga kagawad."Tulungan ninyo ako! Diyos ko! Tulungan ninyo ako!" sigaw ko, umiiyak at nakaluhod sa aspaltong lapag."Bakit? Ano'ng nangyari?" tanong ng isang kagawad."Andyan na siya! Hinahabol n'ya ako!" sigaw ko, umiiyak pa din."Sino? Sino'ng humahabol sa'yo?""Si TROPA! Si TROPA!" sigaw ko ulit, "PINATAY KO SI TROPA!! PINATAY KO!!" At 'yun ang nangyari.Ngayon ako'y nakakulong sa seldang walang rehas. Hindi makagalaw.Pero tuloy pa din ang tulo ng luha ko.Ano ang mga luhang ito?Pagsisisi...O kaligayahan?Siguro, ngayon, masasagot mo na. Sa simbahan..
"Father, mangungumpisal po ako.." "Sige anak, makikinig ako." "Isa po akong pulitiko. Marangya ang buhay dahil sa pangungurakot. Nagpapabalik-balik sa ibang bansa gamit ang pera ng bayanpara lang magbakasyon. Mayron akong pinasarang negosyo dahil hindi naibigay ng may-ari ang hinihingi kong kalahating milyon na multa sana sa violation na pakana ko lang. Suki ako sa mga Cassino gamit ang kaban ng bayan. Niloloko ko ang taong bayan. At ang pamilya ko father, ang asawa ko.. niloloko ko silang lahat!!" tuluyan na akong napaiyak. "Pero father, nagbago ang lahat ng makilala ko si Pepe.." ------------------------------------------------------------------------------------------- "Manong anu ba?!! Dahan-dahan naman!!" sigaw ko ng biglang pumreno si Manong gamit ang government van na minamaneho nito. "Mayor may biglang tumawid na bata, nasagasaan yata natin!" "Ano?!! Naku naman Manong problema yan, mag-iingat ka kasi sa pagmamaneho." Dali-daling bumaba si Manong para tingnan kung anong nangyari sa bata. "Mayor, kailangan po natin siyang dalhin sa ospital!." "Naku Manog mag-arkila ka nalang dyan ng tricylce, hindi ako pwedeng ma-late sa..." natigil ako sa pagsasalita ng makita kong madami na palang nakikiusyoso. "Sige, sige Manong ipasok mo na yung bata , kailangan siyang madala kaagad sa ospital!!.. " medyo pinalakas ko ang boses ko para marinig ng mga tao. Tiyak na pampalapad na papel na naman 'to. Diretso kamo sa emergency room nung makarating kami sa ospital. Siyempre sumama ako, nilubos ko na ang pagpapalapad ng papel. "Doc, gawin niyo po ang lahat ng makakaya niyo, iligtas niyo po 'yung bata!" pinalakas ko pa ng kaunti ang boses ko nung mapansi nkong may paparating na mga reporter. Pagtalikod ng doctor, siya namang lapit ng isang reporter sa'kin, na sinalubong ko naman ng ngiti. Ngiting pulitiko. ►►► "Honey, san ka pupunta? May lakad ka ba?" tanong ng asawa kon si Elene. "Sa ospital." maikling sagot ko. Pero lingid sa kaalaman niya pagkatapos ko sa ospital ay dederetso ako kay sabel. Ang babaeng pagkakasala ko sa aming mag asawa. "Ganun ba, yung ba yung kinukwento mo sa'kin? Sama naman ako. Nababagot na kasi ako dito sa bahay, wala naman akong ginagawa. " "Hindi pwede." malamig at mariing sagot ko. "Bakit naman?" "Ba''t ba andami mong tanong. Kapag sinabi kong hindi, hindi. Diyan ka na nga. Alis na ako." sabay talikod sa kanya. "Ingat." ang tangi niya nalang nasambit habang nagpupunas ng nangingilid na luha sa kanyang mga mata. ►►► Tama nga ang aking hinala, meron ngang nakaabang na reporter sa labas ng ospital. Sinadya ko namang dumaan sa harapan niya para mapansin niya ako. At di naman ako nabigo. "Magandang araw po Mayor. Andito po pala kayo. Maari ko po bang itanong kung saan ang punta niyo?" tanong ng reporter. "Aahm.. (ngiti..) bibisitahin ko lang yung batang dinala namin dito nung isang araw. Kukumustahin ko sana. " ngiti ulit. "Napakabait niyo talaga Mayor, kahit busy kayo sa trabaho nakukuha niyo pa ring bumisita dun sa bata. " "Naku, hindi naman. Obligasyon ko talagang tulungan ang mga nangangailangan. At saka responsibilidad ko din naman yung bata e. Sige mauna na ko sayo." sabay ngiting pulitiko na naman at talikod dito. "Sige po Mayor, salamat po." ►►► Naabutan ko ang isang nurse pagpasok ko sa kwarto ng pasyente. "Kumusta na siya?" baling ko sa nurse. "Kayo po pala Mayor. Stable na po ang lagay ng pasyente. Minor injuries lang po ang tinamo niya. Pero malnourished po siya. Mukhang ilang araw nang hindi pa kumakain na sa palagay ko ay yun po ang dahilan kung bakit siya nawalan ng malay. Pwede na po siyang ilabas dalawang araw mulag ngayon. Kaya lang Mayor... " Ano yun?" masama 'to, parang alam ko a kung ano ang iniisip niya. Mukhang mapapasubo ako ng wala sa oras. Wag naman sana.. "Parang isa po ito sa mga batang palaboy-laboy sa kalsada. Wala din itong mapupuntahan pagkalabas ng ospital. Kawawa naman. Hindi ko naman pwedeng iuwi sa bahay kasi siguradong hindi papayag ang asawa ko. " "Wag kang mag-alala, ako na ang bahala sa kanya. Gagawin ko ang lahat para hindi ni siya bumalik sa dati niyang buhay." pero ang totoo niyan ay dadalhin ko nalang siya sa bahay ampunan. "Talaga po?! Naku mabuti nalang at napakabait niyo Mayor. Sige po alis muna ako, titingnan ko pa kasi yung ibang pasyente." "Sige." Umupo ako sandali. Ilang minuto lang ay aalis din ako agad. Sisiguraduhin ko lang na hindi pagdududahan ang pagpunta ko dito. Maya-maya ay tumayo na ako upang umalis. Pero napansin kong gising na pala yung bata. Nakatingin siya sakin. Deretso sa mga mata ko. "Anong kailangan mo bata?" "Kanina pa kita hinihintay." sabi ng bata. "Huh?! Anong ibig mong sabihin?" hindi siya sumagot. Nakatingin lang siya sa mga mata ko. Hindi siya kumukurap. Bagkus ay itinaas niya ang kanyang kamay na parang gusto niya akong hawakan. Kinilabutan akong bigla sa ginawa niyang yun. Hindi ko magawang tumakbo. Parang may kung anong pwersang nagtutulak sakin para lapitan yung bata. Nagsimula nang humakbang ang mga paa ko papunta sa kanya. Parang may kumukontrol sa katawan ko. Papalapit na ako ng papalapit sa kanya. At sa hindi ko inaasahang pangayayari ay gumalaw ang kamay ko para hawakan ang nakataas niya paring kamay. Nang maglapat ang aming mga palad nagliwanag ang buong paligid. Dahil na rin sa matinding liwanag kaya't napapikit nalang ako. Pagmulat ko ay nasa ilalim na ako ng kama ni Sabel. <> Sini sa Sabel??.. “Walangya ka! Magsisinungaling ka pa!! Ilabas mo na asawa ko! Napakalandi mo! Hindi ka na nahiya! Mayor pa ang tinitira mo! Ilabas mo siyaaaa!!!” umalingawngaw sa pandinig ko ang boses ni Elena. Anong nangyari?!! Paano niyang nalaman ang tungkol sa’min ni Sabel? At paano ako napunta dito? Ang natatandaan ko ay nasa ospital ako kani-kanina lang. “Ilang beses ko bang sasabihin sayo na wala dito ang asawa mo. Ba’t ba ang kulit-kulit mo?!! At sino ang malandi ha?! Para lang malaman mo yang asawa mo ang habol ng habol sa’kin. Siguro kaya nangangaliwa ‘yang asawa mo kasi hindi na siya masaya sayo. O kaya naman e sukang suka na siya diyan sa pagmumukha mo! Palibhasa di mo mabigyan ng anak! Hahaha.. Nakakaawawa ka naman.” Pagkatapos ay isang nakakainis na tingin ang ibinato niya sabay tumawa ng malakas na para bang wala ng bukas. “Ahh.. ganun.. e kung pasabugin ko kaya ‘yang bungo mo?! Ha?! Tingnan ko lang kung makatawa ka pa!” sabay labas ng baril mula sa kanyang bag. “T-Teka lang Elena.. i-ibaba mo yannn… Nabigla lang ako sa mga nasabi ko. ..” garalgal na ang boses ni Sabel. Masama ang kutob ko. Parang may kung anong masamang mangyayari. Ramdam ko nag takot niya dahil pwede siyang mamatay ano mang oras kapag pinutok ni Elena ang baril. “haha.. Nabigla?! Tingnan mo nga naman oh. Kanina halos wala nang bukas ang tawa mo tapos ngayon nagmamakaawa ka. Nakakaawa ka naman! Pag hindi mo pa tinigilan ang asawa ko, magkakamatayan na tayo!! Tandaan mo yan!!” Pagkatapos nun ay isang malakas na pagsara ng pinto ang narinig ko. Hudyat para lumabas na ako sa pinagtataguan ko. Ngunit laking gulat ko nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto at iniluwa ang umiiyak na imahe ni Sabel na may dalang kutsilyo. Napapikit nalang ako at hinintay kung ano man ang sasapitin ko. ►►► “Ano Mayor magsalita ka! Hindi ko akalain na magagawa mo ang bagay na ito sa taumbayan!” aniya ni Vice Mayor. Hawak-hawakang kwelyo ng damit ko. Nadatnan ko ang sarili ko sa loob ng opisina ko. Kaharap ang galit na galit na si Vice Mayor. Ang iba naming kasama sa konseho ay napapailing nalang na para bang naninisi. Ang iba namang empleyado ay nag-aabang sa kung ano man ang paliwanag na sasabihin ko. “Tumingin ka sa labas Mayor. Galit na galit na ang mga tao sa baba. Kanina pa nila hinihintay ang sagot mo. Sagutin mo na ngayon Mayor, totoo ba na may kinalaman ka sa pagpapasara sa kumpanya ni Mr. Cy dahil lang sa hindi nila naibigay ang gusto mong kalahating milyonnn!!!” Natulala ako ng Makita ko ang pulutong ng mga tao sa labas. Ano na naman ‘to?! Akala ko mamamatay na ako sa mga kamay ni Sabel pero heto’t napunta ako sa opisina ko. “At hindi lang yon Mayor, sangkot ka din daw sa isang sindikato. Totoo bang mga paratang nila?..” dagdag pa ni Vice Mayor. Lahat naghihintay ng sagot ko. Alam kong ano man ang sabihin ko ay papaniwalaan nila dahil tiwala akong nabilog ko na lahat ang mga ulo nila, pero nakapagtatakang ang nasambit ko nalang ay… “Hindi ito totoo!! W-wala!! Wala akong alam!!” garalgal na ang boses ko dahil na rin sa hindi maintindihang mga pangyayari. Parang masisiraan na ako ng ulo. “Anong wala? Anong wala Mayor?! Sagutin mo ng maayos. Hindi na makontrol ang mga tao sa labas. Galit na galit sila!” “Mayor, magbitiw ka na sa pwesto!” “Manloloko kaaa!!!” “Kawatan!!!” “Wala kang awa sa mga mahihirap! Hindi ka nararapat tawaging Mayor!!” Sigaw ng taong nanggagalaiti sa labas ng munisipyo. Wala ng nagawa ang mga security guards ng pwersahan na nilang pinasok ang building. Binabalya nila ito hanggang sa tuluyan na nga itong masira. Wala akong nagawa kundi takpan nalang ang magkabilang tainga at ipikit ang mga mata. ►►► Ngunit gaya ng mga nagdaang nangyari, nang ipikit ko ang akong mga mata ay napunta na naman ako sa ibang lugar. Pero hindi ko inaasahang pagmulat ko ay nasa loob na ako ng courtroom. “Pagkatapos ng masinsinang pag-iimbistiga, ikaw Tomas Robles ay napatunayang nagkasala sa batas at ikaw ay hinahatulan ng habangbuhay ng pagkakakulong. .. “ Hindi ko na narinig ang iba pang sinabi ng judge. Parang bigla nalang akong nawalan nga pandinig. Tuluyan nang nahulog ang mga tuhod ko sa lupa at napahagulgol. Sirang-sira na ang pangalan ko at patong-patong ang mga kasong isinampa sa’kin. ---------------------------------------------------------------------------------------------------------------- Sa loob ng selda. Mainit. Mabaho. Masikip. Nangangalay na ang mga paa pero parang mga manhid na ito kakatayo buong maghapon. Nakatayo at laging hawak ang mga malalamig na rehas. Nagbabakasakaling may dumating na kilalang mukha at dumalaw sa kanya. Nagnanais na maibsan man lang ang kalungkutang nadarama. Habang sa likod niya, may nakaaambang panganib. Isang matulis na bagay na anumang oras ay maaring tumarak sa kanyang tagiliran. Nagsimula ng maglakad sa kanya ang may hawak nito. Hanggang sa.... -------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------- Panganib. Yan ang naramdaman ko sa mga oras na iyon. Ngunit sa kahuli-hulihang pagkakataon ay ipinikit ko ang aking mga mata. “Diyos ko, iligtas mo po ako!!” nalang ang tangi kong nasambit. Pagmulat ko, puti. Nagkulay puti ang buong paligid. Nasa langit na ba ako? Hindi, parang hindi. Ospital. Oo nga pala, nasa ospital ako. Napabalikwas ako ng matanto ko kung nasaan ako. Mangiyak-ngiyak na nagpasalamat sa Diyos na isang panaginip lang pala ang lahat. Nakatulog pala ako ng hindi ko namamalayan. Pagtingin ko sa kama, nandoon pa rin ang bata at mahimbing na natutulog. Pero, anong ginagawa ko dito sa tabi ng kama niya?.. At, hawak-hawak ang kanyang kamay. .. ---------------------------------------------------------------------------------------- “Father, pinagsisisihan ko na po ang lahat nga nagawa ko, gusto ko na pong magbago pero di ko po alam kung saan magsisimula. Tulungan niyo po ako… “ hindi ko na napigilan ang mga luha ko sa pagtulo. “Walang sino man pwedeng makatulong sayo kundi ang sarili mo. Magsimula ka kung saan nagsisimula an lahat. Kung nagsisisi ka talaga, haharapin mo ang lahat ng kaparusahan. Tanggapin mo ang lahat ng kamalian mo at gawin itong tama. Walang nagsising hindi pinatawad nga Panginoon. Humayo ka anak, magbago ka para sa sarili mo at higit sa lahat para sa mga taong nagmamahal sayo. Hindi pa huli ang lahat.” “Opo, opo Father!” Bago lumabas ng simbahan, humugot muna ko ng isang malalim na paghinga, pinuno ang dibdib ng hangin at ngumiti. Ngumiti para sa bagong buhay na aking haharapin, na aking tatahakin. Ngiting taos sa puso. |
Gawa ng ibaMga manunulat na nagpapasa sa [email protected] Archives
November 2011
Categories |